Friday , June 22 2018
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Ang Panday  ni Coco, pinakamalaking action-adventure ngayong Pasko
Ang Panday  ni Coco, pinakamalaking action-adventure ngayong Pasko

Ang Panday  ni Coco, pinakamalaking action-adventure ngayong Pasko

SI Coco Martin ang bagong Panday.

Nagsanib-puwersa ang CCM Film Productions, Star Cinema, at Viva Films sa kauna-unahang pagkakataon para sa isang pambihirang Pamaskong handog para sa buong pamilya sa pagbabalik-pelikula ni Martin sa Ang Panday, ang pinakamalaking action-adventure na pinakahihintay na 43rd Metro Manila Film Festival (MMFF), na mangyayari ngayong Disyembre.

Sa ilalim ng direksiyon mismo ni Martin, sa ilalim ng tunay niyang pangalan, Rodel Nacianceno, sa kanyang kauna-unahang pagdidirehe, at sa orihinal na istoryang kanya ring nilikha kasama si Joel Mercado, ito ang kauna-unahang live-action film adaptation ng Ang Panday—ang pinakamamahal ng lahat na karakter na nilikha nina Carlo J. Caparas at Steve Gan, na siya namang pinasikat ng yumaong Action King na siFernando Poe Jr., mula noong 2011.

Para sa 2017 epic na pagbabalik ng iconic Pinoy hero na ito, gagampanan ni Martin ang papel ni Flavio III—ang apo ng orihinal na Panday. Magbabagong bigla ang kanyang buhay nang madiskubre niya na ang kanyang angkan ay ang itinakdang tagapagligtas ng sangkatauhan sa kasamaan ng imortal na kalaban niya, si Lizardo (Jake Cuenca) na nagbabalik mula sa kadiliman para muling guluhin at pahirapan ang mundo. Bilang hindi alam ni Flavio III na tanging ang angkan niya lamang ang makatatalo kay Lizardo, kailangan niyang maglakbay sa iba’t ibang mundo upang makuha ang tiwala ng kapangyarihan ng espada. At gaya ng orihinal at pinakamamahal na bayani ng lahat, maraming makikilala si Flavio III na tutulong sa kanya bilang tunay na tagapagmana ng tinitingalang pangalan ng Ang Panday.

Ang Panday ay ‘di lamang isang iconic na karakter sa Pinoy pop culture ngunit isa rin sa pinakamamahal na Pinoy comic book heroes of all time sapagkat kinakatawan nito ang idea ng katotohanan at hustisya at pati na rin ang pagkakawagi ng kabutihan sa kasamaan.

Karapat-dapat banggitin na ito ang kauna-unahang full-length mainstream movie na idinirehe ni Coco. Tila pinanday ng panahon si Coco upang maging isang direktor. Nagsimula ang karera ni Coco bilang isang aktor sa mga indie movie, na kapansin-pansin sa mga pelikula niBrillante Mendoza, at nag-cross over sa mainstream sapagkat siya ay sumubok sa telebisyon, na tuloy-tuloy siyang lumabas bilang bida sa mga top-rating primetime teleserye ng ABS-CBN at pati na rin sa mga pelikula sa ilalim ng isang higanteng film outfit. Maraming natutuhan si Coco na ‘di matatawarang kaalaman at mga karanasan mula sa mga mundo ng indie at komersiyal na kanyang pinagsama, at siya niyang ginamit sa Ang Panday—na katuparan ng kanyang pangarap na magdirehe ng isang pelikula. Ang aktibong involvement ni Coco bilang creative consultant sa FPJ’s Ang Probinsyano ay siya ring nagpanday sa kanyang kakayahan bilang isang storyteller.

Bilang bida ng pelikula, si Coco ang kumakatawan sa lahat ng magagandang bagay na kinakatawan ng Ang Panday—at kitang kita ito sa pagmahahal ng milyon-milyong mga Filipino sa kanya lalo na noong binigyang buhay niya ang karakter ni Cardo sa long-running at top-rating primetime drama series ng ABS-CBN na ang FPJ’s Ang Probinsiyano.

Bilang si Flavio, muli na namang ipaglalaban ni Coco ang kabutihan habang ipinagtatanggol niya ang mga mahihirap at api sa mundo.

Tunghayan kung paano isasabuhay ni Flavio ang kanyang kapalaran. Mula sa isang simpleng lalaki na lumaki sa Tondo, si Flavio ay magiging pinakatanyag na bayani ng mga Filipino na siyang magliligtas sa kanyang pamilya at komunidad sa mga kampon ng kasamaan.

Tampok din sa Ang Panday sina Lito Lapid, Eddie Garcia, Michael de Mesa, Gloria Romero, Jacklyn Jose, Dimples Romana, Jeric Raval, Jaime Fabregas, Julio Diaz, Mariel De Leon, Awra Briguela, Dennis Padilla, Carmi Martin, Albert Martinez, Agot Isidro, Kylie Verzosa, Mccoy De Leon, Elisse Joson, Jhong Hilario, at marami pang iba.

Ipalalabas ang Ang Panday sa mga sinehan sa buong bansa simula ngayong Disyembre 25.

REGAL, BALIK-MMFF 
VIA HAUNTED FOREST; 
JANE, JAMESON, MARIS
AT JON, PAHIHIYAWIN
ANG SAMBAYANAN

PAGBIBIDAHAN ng apat sa pinakamahuhusay na teen stars ngayon na sina Jane Oineza, Jameson Blake, Maris Racal, at Jon Lucas ang pinakabagong horror masterpiece ng Regal Entertainment Inc. na Haunted Forest na mapapanood na sa mga sinehan nationwide simula December 25 bilang bahagi ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2017.

Matapos ang kani-kanilang magkadong pagganap sa TV at pelikula, handang-handa na sina Jane, Jameson, Maris, at Jon na ibahagi sa publiko ang iba pang kaya nilang gawin bilang mga actor.

“Malaking challenge but at the same time, big blessing po para sa aming lahat, ang ‘Haunted Forest’. Challenge, because it’s the only horror film in the MMFF lineup and it’s a Christmas blessing dahil hindi lahat ng artista ay nabibigyan ng pagkakataong maging bahagi ng almost 60 years legacy ng Regal. Anuman ang generation natin, halos lahat ng Filipino ay laking Regal movies katulad ng classic films na ‘Aswang’, ‘Tiyanak’, ‘Haunted Mansion’, at most of all, ang ‘Shake Rattle, and Roll’ series,” pahayag ni Jane na tianguriang Princess of Horror Movies dahil sa mahusay na pagganap sa magkakasunod na horro films na pinagbidahan niya.

Bukod sa kanyang horror roles, higit na hinangaan ng mga manonood si Jane nang magkamit ng finalist certificate mula sa New York Festivals 2013 at nomination sa 41st International Emmy Awards para sa kanyang pinagbidahang Maalaala Mo Kaya episode noong 2012.

Katulad ni Jane, todo-buhos din sina Maris, Jameson, at Jon sa paghasa ng kanilang galing sa pag-arte. Noong nakaraang taon, umani ng papuri si Maris sa markado niyang pagganap sa pelikulang Vince and Kath and James.

Samanala, pinatunayan naman nina Jameson at Jon (kapwa miyembro ng boygroup na Hashtagas sa It’s Showtime) na hindi lamang sila sa sayaw humahataw kundi maging sa larangan ng independent films.

“Sa ‘Haunted Forest’, bagong Jane, Maris, Jameson, at Jon naman ang makikilala ng madlang People. Rito hindi lang kayo matatakot at kikiligin, may family values din na ituturo sa atin ang mga character ng pelikula. At dapat ding abangan kung sino si Sitsit na tiyak, hinding-hindi malilimutan pagkatapos manood ng aming pelikula,” ani Jameson na other half ng pinakabagong loveteam ngayon, ang JaneSon.

Bukod sa Regal teen stars, bahagi rin ng supernatural teen horror na Haunted Forest ang mga batikang actor na sina Raymart Santiago atJoey Marquez. Tampok din sa cast sina Jerald Napoles, Betong Sumaya, Myrtle Sarrosa, Miho Nishida, Beverly Salviejo, Fiona Yang, atKelvin Miranda.

Sa ilalim ng direksiyon ng international award-winning director na si Ian Lorenzo, iikot ang kuwento ng Haunted Forest sa mag-amang Nica (Jane) at ang pulis Maynila na si Aris (Raymart) at sa mga bago nilang makikilala nang madestino si Aris sa probinsiya.

Humiyaw! Manginig! Umibig! Matuto! Sa trailer pa lang ay masasabing sagad sa takutan ang pelikula. Mapapanood ang trailer sa Facebookng Regal Entertainment Inc. at Youtube Channel sa Regal Cinema.

Huwag palampasin ang official entry ng Regal Entertainment Inc., sa MMFF 2017, ang Haunted Forest na mapapanood na sa mga sinehan simula December 25. Rated PG ng MTRCB.

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio

COMMENTS

About Maricris Valdez Nicasio

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved