Thursday , February 22 2018
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Kikitain ng Unexpectedly Yours, binabantayan
Kikitain ng Unexpectedly Yours, binabantayan

Kikitain ng Unexpectedly Yours, binabantayan

HINDI na halos napag-uusapan kung ano nga ba ang kuwento ng pelikulang Unexpectedly Yours, mukhang ang binabantayan ng mga kritiko ay kung ano ang kalalabasan ng pelikula sa takilya. Ilang araw na lang bago ilabas iyon sa mga sinehan at saka naglabasan ng mga interview sa kanilang stars. Hindi mo naman sila masisi, siguro nga nagmamadali rin naman sila na matapos ang pelikulang iyan para umabot sa kanilang expected playdate.

Kung ang mga pelikulang iyan ay ipinalabas ten years ago, aba eh makatutulog ka na nga ng mahimbing. Walang duda na ang hinihintay mo na lang ay kung ilang milyon nga ba ang iyong bibilangin sa first pa lamang ng pelikula. Alalahanin ninyo, noong araw, at batay naman iyan sa bayad sa sine noon, sinasabing ang Sharon CunetaRobin Padilla movie na Maging Sino Ka Man ang highest grossing box office movie.

Hanggang ngayon, sinasabi ngang hawak ng pelikulang iyon ang pinakamalaking “theatre attendance”.

Noong araw, inaawat pa nila ang mga nagsasabi niyon, “out of respect” dahil ayaw nilang masabi na mas malaki ang kinita ng Sharon-Robin film kaysa Sharon-FPJ movie. Pero hindi naman talaga maitatago iyon.

Pero kagaya nga ng sinabi namin, ibang panahon iyon. Iba rin ang pelikulang iyon. Doon sa pelikulang iyon ay magka-love team sina Sharon at Robin at sa kanila umiikot ang love story. Ngayon may kasama na silang mas batang artista na siyang iniikutan ng love story.

Aminin natin, support na lang sila sa love story na iyan. Hindi na natin puwedeng sabihin na love story nila iyan sa edad nila.

Matagal na walang pelikula si Sharon at ang pelikulang naging comeback niya ay isang indie na umiyak nang husto. Ang inaasahan namin, sa kanyang follow up movie ay bibigyan siya ng mas malaki pang promo ng pelikula. Pero hindi nga ganoon. Siguro confident naman sila dahil isang Sharon-Robin starrer ang kanilang pelikula.

Tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari sa makalawa.

MGA PELIKULA NOON,
NAKAE-ENTERTAIN
PA RIN

NAGISING kami isang madaling araw, binuksan namin ang TV. Ang palabas ay isang lumang pelikula nina Donna CruzJao Mapa, at Ian de Leon. Natatandaan naming, ibinase ang pelikulang iyan sa hit song noon ni Jaya, iyong Dahil Tanging Ikaw. Nagustuhan namin iyong mga eksena nina Donna at Jao. Nang mapanood nga namin iyon sa TV noong isang araw, parang ang feeling namin entertaining pa rin ang pelikula at ang mga eksena nina Donna at Jao.

Bakit nga ba noong araw, iyang mga ganyang simpleng pelikula lamang ay nakae-entertain. Kasi nga noon, ang iniisip ng mga director ng pelikula ay kung masisiyahan ang manonood sa kanila o hindi. Hindi kagaya ngayon na masyadong magagaling ang mga director na gustong idikta sa tao kung ano ang dapat nilang panoorin. Ang publiko pa ba ang mag-aadjust? Iyan ang dahilan kung bakit ang mga simpleng pelikula noong araw ay tumatabo sa takilya at nagtatagal sa mga sinehan. Hindi kagaya ngayon na may mga pelikulang dalawa o tatlong araw lamang sa sinehan at papalitan na ng pelikulang Ingles.

Sana magbalik iyong panahon na gumagawa ng pelikula para sa masa. Hindi iyong gumagawa ng pelikula para sa mga award, kahit na hotoy-hotoy lang, tapos hindi naman kumikita.

Kagaya nga ng sinasabi ng yumaong director na si Emmanuel Borlaza”bakit ka gagawa ng pelikula kung wala rin namang manonood?”

HATAWAN
ni Ed de Leon

COMMENTS

About Ed de Leon

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved