NAGHAIN ang mga magulang ni freshman law student Horacio “Atio” Castillo III kahapon, ng supplemental complaint sa Department of Justice (DoJ) upang isama si University of Santo Tomas Faculty of Civil Law dean Nilo Divina sa mga suspek na nais nilang usigin hinggil sa pagkamatay ng kanilang anak.
Kasama ang kanilang abogado na si Atty. Lorna Kapunan, inihayag ng mag-asawang sina Horacio II at Carminia Castillo na nilabag ni Divina ang Anti-Hazing Law, katulad ng kasong inihain ng Manila Police District laban sa 17 sa 18 respondent sa hazing na ikinamatay ni Atio noong 17 Setyembre.
Si Divina ay sinampahan din ng kasong perjury, obstruction of justice, at murder ng mga magulang ni Castillo.