Wednesday , February 21 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Away mag-asawa, kung sino-sino na ang nadadamay
Away mag-asawa, kung sino-sino na ang nadadamay

Away mag-asawa, kung sino-sino na ang nadadamay

DESPERADO na nga ba si Patricia Bautista,  ang dating asawa ni Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista, kaya maging ang kaibigang abogado ni Andres ay kanya na ring kinasuhan?

Kinasuhan ni Patricia ng disbarment sa Korte Suprema, ang kaibigan ni Andres na si University of  Santo Tomas Law dean Atty. Nilo Divina.

Ha! Maging si Divina ay kinasuhan na rin ni Patricia at tulong ng kanyang legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan? Bakit? Anong naging basehan?

Pagkadesperado ba ang dahilan matapos ibasura ng Mababang Kapulungan ang kasong impeachment na isinampa nila laban kay Andres?

Hindi naman desperado ang ‘mag-amo,’ kundi ito ay kanilang karapatan. Sige na nga! Tandaan, iyan ang demokrasya ‘ika nga! Bukod sa may sapat daw silang ebidensiya laban kay Divina.

Kinasuhan ng mag-amo si Divina ilang araw ang nakalipas matapos ibasura ang impeachment complaint laban kay Andres, sa akusasyong  nilabag daw ng dekano ang code of  professional responsibility makaraang makipagsabwatan umno kay Andres sa korupsiyon.

Base sa ulat,  sinabi ni Kapunan na isinampa nila ang disbarment case laban kay Divina at mga kasama nitong abogado base na rin sa pag-amin ng Comelec chief na tumanggap siya ng referral fees mula sa law firm ni Divina mula sa ini-refer na kliyente kabilang ang Smartmatic na contractor ng Comelec noong nakaraang automated elections.

Sa panig ni Divina na napaulat, hindi siya nababahala sa ”disbarment complaint” na isinampa sa kanya ni Patricia, dahil sumusunod siya sa batas.   

Banat ni Divina, posibleng hindi matanggap ng kampo ni Patricia ang pagbasura ng Kamara sa inihaing nilang impeachment complaint laban kay Bautista.

Kung susuriin ang banat ni Divina, ang ibig bang sabihin nito ay desperado ang kampo ni Patricia kaya maging siya (Divina) ay idinamay matapos ibasura ng Kongreso ang impeachment laban kay Andres?

Akalain n’yo ba naman, naibasura ang impeachment sa iskor o boto na “26-2.” Nakaka-desperate nga naman ito. Ibig sabihin kasi ng pagbasura ay walang sapat na ebidensiya si Patricia at ang kanyang abogado laban kay Andres para matanggal sa Comelec.

Kaya maging si Divina at ilan pang 20 abogado na kasama sa Divina law firm ay ‘di na ‘este, kinasuhan? Well, tulad nang nauna kong nabanggit, karapatan nina Patricia at abogado niya ang kanilang ginawang aksiyon. Sapat naman daw ang kanilang ebidensiya.

E, paano kaya kung maibasura na naman ang kasong isinampa ng mag-among babae laban kay Divina? Hahanapan pa ba nila ng ibang butas si Andres? Paano naman kung manalo ang kaso nila laban kay Divina? Aba’y e, ‘di okey good… ‘ika nga! Humanda ka Andres kapag nangyari iyon. He he he…

Hay… ang away mag-asawa nga naman kung saan-saan na napunta dahil lamang sa ‘mana’ na hinahabol ni Patricia sa dati niyang mister. Pag-usapan na lamang ninyo iyan sa barangay. Wala pang gastos sa abogado.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan



COMMENTS

About Almar Danguilan

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved