Sunday , December 17 2017
Breaking News
You are here: Home / Hataw Extras / Kongreso sa araling Filipinas matagumpay na idinaos ng KWF (Sa wikang Filipino)

Kongreso sa araling Filipinas matagumpay na idinaos ng KWF (Sa wikang Filipino)


NASA dulong kaliwa si Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Direktor Heneral Roberto Añonuevo kasama ang mga naging tagapagsalita sa pagdaraos ng Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas Sa Wikang Filipino nitong 2-4 Agosto 2017 sa Pambansang Museo, Ermita, Maynila.(ALEXIS ALATIIT)

MATAGUMPAY na nagtapos ang makasaysayan at kauna-unahang Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino na ginanap sa Pambansang Museo sa Ermita, Maynila nitong Martes, 2 Agosto 2017.

Ayon kay Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo, halos isang taon nilang ginawa ang preparasyon para sa na-sabing Kongreso.

Dinaluhan ang tatlong-araw na pagtitipon ng mga iskolar, propesor at guro, estudyante at iba’t ibang dalubhasa hingil sa pag-aaral sa Filipinas.

“Sobrang tagumpay dahil ito ang kauna-unahang pagkaka-taon na nagkaroon ng Pandaigdigang Kongreso sa Filipino na dati wala, kapag dumalo ka ng mga pandaigdigang kumperensiya palaging Ingles pero nga-yon parang natatauhan na ang ating mga intelektwal na panahon na para gamitim ang Filipino,” ani Añonuevo.

Nakatuon ang kumperensiya, una sa Araling Filipinas o Philippine Studies at ikalawa sa wikang Filipino na isinasagawa sa pamamagitan ng anim na sabayang sesyon (mga abstrak na naglalaman ng bagong saliksik sa pag-aaral ng Filipinas) at Plenaryong Sesyon (presentasyon ng mga pangunahing eksperto hingil sa pag-aaral ng Filipinas).

Inaasahan ng KWF na pagkatapos ng kumperensiya magkakaroon ito ng pangmatagalang epekto at lalaganap sa ibang organisasyon na magsagawa ng ganitong kongreso o talakayan sa wikang Filipino pero ginagamit sa iba’t ibang disiplina hindi lamang sa Filipinas kasama ang agham, teknolohiya, batas, negosyo at relihiyon.

Mithi ng KWF na magamit ang karunungang ito sa pama-magitan ng wikang Filipino, “kung hindi natin gagamitin ang wika natin paano tayo makapag-iisip sa sarili natin, palagi ta-yong manghihiram, pero nga-yon ang mga intelektwal natin ay gusto nang gumawa ng malaking pagbabago sa lipunan,” diin ni Añonuevo.

Bahagi ng kumperensiyang ito ang kasalukuyang kampanya ng KWF na maging “Wika ng Karunungan” ang Filipino at sa gayon ay maging wika ng mga malikhain sa alinmang disiplinang pang-edukasyon.

Ayon kay Añonuevo, mapapansin na ang iba’t ibang orga-nisasyon ay nagsama-sama para sa Filipino, ilan sa mga katulong ng KWF sa pag-oorganisa ang Philippine Studies Association (PSA), Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Pambansang Museo, Filipinas Institute of Translation (FIT), Wika ng Kultura at Agham (WIKA), at Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Ilan sa mga tagapagsalita na nagbahagi ng mahahalagang paksa ay sina Pangulong Emeritus Bernardita Churchill (PSA,UPD); Alfonso “Atom” Araullo (mamamahayag); JC Gaillard PhD, Unversity of Auckland, New Zealand; Nicanor G. Tiongson (UPD); Isaac Donoso ng Universidad de Alicante, España; at “Xiao” Briones Chua (DLSU).

Mahabang proseso ang kinakaharap ng KWF para maulit ang ganitong uri ng kumperensiya dahil kinakailangan nilang magsagawa at hintayin ang resulta ng assessment para malaman ang mga pagkukulang na kinakaila-ngang punuan at ang mga disiplinang kailangan din talakayin.

Ayon kay Añonuevo, hindi sapat ang budget na kanilang natatanggap mula sa gobyerno para palawigin ang mga ganitong klaseng proyekto nang sa ganoon ay maabot ang mas nakararami.

“Unang-una dapat pagla-anan ang KWF ng malaking pondo para magawa nito ang mga programa, ikalawa dapat tulu-ngan din ang KWF ng mga pri-badong sector kasi naniniwala kami na ang pagpapaunlad ng wik ay hindi lamang trabaho ng KWF, trabaho din ng Publiko at pribadong sektor at lahat ng mga mamamayang Filipino upang matamo natin ang nais nating karunungan para sa ikauunlad ng bayan,” dagdag ni Añonuevo.

Mandato ng KWF na bumuo ng pambansang patakaran na may kaugnyan sa Wika ngunit gumagawa rin sila ng mga programa at plano para magkaroon ng programa para sa pagpapaunlad ng wika.

Pangunahing gawaing ng KWF ngayong Buwan ng Wikang Pambansa ang idinaos na kumperensiya at maraming nakatakdang mga aktibidad.

Mangyari lamang na bisitahin ang kanilang facebook page at website (komisyonngwikangfilipino.gov.ph) para maging updated at makalahok sa mga gawain.

(ALEXIS ALATIIT)

COMMENTS

About Alexis Alatiit

Scroll To Top

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com