Saturday , September 22 2018
Breaking News
You are here: Home / News / Comelec chief Andres Bautista komolek ng ill-gotten wealth sa dayaan

Comelec chief Andres Bautista komolek ng ill-gotten wealth sa dayaan

INIHAYAG kahapon ng Duterte Youth, grupo ng mga kabataang sumusuporta sa administrasyong Duterte, na posibleng dayaan sa nakaraang 2016 polls ang pinagmulan ng umano’y halos P1 bilyong halaga ng tagong-yaman ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista.

Ang nabuyangyang na tagong-yaman ni Bautista ay nakasaad sa affidavit na isinumite ni Patricia Paz ‘Trish’ Cuz Bautista, kabiyak ng Comelec chair, sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong 1 Agosto 2017.

Limang araw iyon makaraan siyang makipag-usap kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa Malacañang upang ibunyag ang natuklasan niyang mga passbook, bank at real properties documents sa ilalim ng pangalan ng kanyang mister at ilan sa mga kaanak nito na hindi kasama sa kanyang 2016 statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Sa kanyang SALN, si Bautista ay nagdeklara ng networth na P176.3 million.

Ayon sa Duterte Youth group, ang mga tagong-yaman ni Bautista ay maaaring kinita nito noong 2016 polls na nagkaroon ng dayaan sa vice presidential elections.

“Posibleng sa Smartmatic nanggaling ‘yung mga pera niyang nakatago sa iba’t ibang banko at iba pa niyang ari-arian na hindi nakadeklara sa kanyang SALN. Alam naman ng sambayanang Filipino na nagsabwatan ang Comelec at Smartmatic para masabotahe ang nakaraang halalan,” diin ng grupo.

Ang Comelec at Smartmatic, ang technology provider ng automated election system sa bansa, ay nahaharap sa mga kaso dahil sa kontrobersiyal na pagpapalit sa transparency server script ng poll body noong nakalipas na eleksiyon.

Kabilang sa umano’y tagong-yaman ni Bautista ang mahigit sa P329 million sa 35 accounts sa Luzon Development Bank; $12,778.30 o P640,959.53 sa isang foreign currency account sa Rizal Commercial Banking Corp.; P257,931.60 peso account sa RCBC; P6.10 milyon sa isang account sa HSBC; isang condominium unit sa One Bonifacio High Street, Bonifacio Global City, Taguig City; at isang condo unit sa The District, San Francisco, California.



Ayon kay Patricia, maliban sa dalawang adjoining condo units sa Pacific Plaza Towers sa BGC, Taguig City, at ang kanilang tahanan, wala siyang nalalaman sa 13 real properties na nakalista sa SALN ng kanyang asawa.

Aniya, base sa kanyang sariling pagtaya, ang kabuuang halaga ng mga ari-arian sa acquisition costs nito ay mula P250 milyon hanggang P300 milyon, na mas mataas sa P158.5 milyon na idineklara ni Bautista sa kanyang 2016 SALN.

Sinabi ni Patricia na natuklasan din niya ang mga investment ng kanyang mister sa ibang bansa ‘in the form of his interests in corporations and loan agreements’ na hindi idineklara sa kanyang SALN.

Kabilang dito ang Bauman Enterprises Ltd., isang kompanya na itinayo sa British Virgin Islands noong 29 Setyembre 2010; Mantova International Ltd., na itinayo sa Brunei Darussalam noong 26 Abril 2011; at Mega Achieve Inc., Anguilla, isang British overseas territory sa iCaribbean, noong 15 Hulyo 2014.

“I previously confronted Andy about these companies and he bluntly denied that he was involved in any way with any of them. However, it is highly suspicious why he would have copies of pertinent documents relative to such companies when he claims that he does not have any involvement with any of those,” pahayag ni Patricia sa kanyang affidavit.

Sina Pangulong Duterte at Patricia ay nag-usap sa Music Room ng Palasyo nitong 26 Hulyo 2017, na tumagal nang dalawa hanggang tatlong oras.

Ayon kay Patricia, matapos niyang ilahad ang kanyang mga nalalaman ay sinabi sa kanya ng Pangulo na tutulungan siya nito sa abot ng kanyang makakaya.

“I think he was surprised as much as I was,” anang misis ni Bautista.


Utos ni Aguirre sa NBI
TAGONG YAMAN
NI BAUTISTA
IMBESTIGAHAN

INIUTOS ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation (NBI), na busisiin ang bintang ng misis ni Commission on Elections (Comelec) chief Andres Bautista na siya ay may itinatagong halos P1-bilyon yaman.

Nitong Lunes, inilabas ni Aguirre ang Department Order 517, nag-uutos sa NBI na imbestigahan at magbuo ng kaso base sa isinumiteng affidavit ni Patricia Paz Cruz Bautista sa NBI, nag-aakusa sa Comelec chief nang bigong paglalahad ng “pertinent information” sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Aalamin din sa nasabing imbestigasyon kung lumabag si Bautista sa Anti-Money Laundering Act at iba pang kaugnay na mga batas.

Nagpahayag ng kahandaan si Bautista sa pagharap sa nasabing imbestigasyon.

“We will welcome any investigation,” aniya sa press conference.

Ayon sa asawa ni Bautista, ayaw niyang isipin ng mga tao na kasabwat siya posibleng illegal activities ng kanyang mister habang nakaupo sa Comelec.

BAUTISTA HANDANG
HUMARAP
SA IMPEACHMENT

HANDANG humarap, kung sakali, sa impeachment complaint si Commission on Elections (Comelec) Jose Andres Bautista.

Bilang Comelec chairman, si Bautista ay maaaring masibak sa posisyon kung siya ay iha-habla at lilitisin sa Kongreso.

“As an impeachable officer, that is always part and parcel of our terrain. If and when that happens, then I will have to face it,” pahayag ni Bautista.

Ngayon pa lamang, ilang mambabatas na ang humihiling ng imbestigasyon.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kailangan masusing maimbestigahan ang bintang laban kay Bautista.

Ayon sa misis ni Bautista na si Patricia Paz Cruz Bautista, nadiskobre niya ang mga dokumento ng mga pag-aari at ilang mga passbook na nakapangalan sa kanyang asawa, na hindi kasama sa ipinasang 2016 statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Nitong nakaraang linggo, nagsumite ang asawa ni Bautista ng affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) noong isang linggo at inakusahan ang chairman na maaaring mayroong ginawa o kasalukuyang may ginagawang korupsiyon habang nasa serbisyo sa gobyerno.

Itinanggi ni Bautista ang alegasyon at sinabing nais lang mangikil ng kanyang asawa dahil nakikipagrelasyon sa iba.

“Itong problema pong ito ay nagsimula noong 2013 dahil mukhang mayroon po siyang third party at ito po ay alam nang marami,” ani Bautista.



Sabi ni Bautista, dumaan na sa ‘counseling’ ang kanilang problemang mag-asawa pero lalo itong lumala noong Nobyembre 2016 nang pumunta siya sa Estados Unidos.

Inakusahan niya ang asawang si Patricia na nais samantalahin ang kanyang US trip para mag-withdraw ng $117,000 mula sa kanilang joint account at ilipat ito sa kanyang personal account.

Sinabi rin ni Bautista, pinagbawalan siya ng kanyang asawa na pumasok sa kanilang bahay at ini-‘ransack’ ang kanyang cabinet at kinuha ang ilang dokumento.

“In this situation, I am the victim. I am the victim of betrayal,” aniya sa panayam.

“I never thought a man could be raped. That is how I felt when I was prevented from entering my own house, when all of a sudden , the locked cabinets belonged to me were forced open, documents were taken without my consent.”

Dinoktor rin umano ang mga dokumento na ebidensiya ng affidavit ng asawa.

Pinanindigan niyang wala siyang itinagong kayamanan at totoo at tama ang kanyang 2016 SALN.

HATAW News Team

COMMENTS

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved