Friday , October 19 2018
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Coco Martin, pinaghandaan ang pagiging director, prodyuser at actor sa Carlo Caparas’ Ang Panday
Coco Martin, pinaghandaan ang pagiging director, prodyuser at actor sa Carlo Caparas’ Ang Panday

Coco Martin, pinaghandaan ang pagiging director, prodyuser at actor sa Carlo Caparas’ Ang Panday

“SANAY akong lumagare!” Ito ang iginiit ni Coco Martin nang kausapin namin siya kamakailan pagkatapos maipakilala ang bubuo sa Metro Manila Film Festivalentry ng CCM Creative Productions Inc. na pagbibidahan at ididirehe niya, angCarlo Caparas’ Ang Panday.

Ayon kay Coco nang tanungin ito ukol sa kung hindi ba siya mahihirapang pagsabayin ang Ang Panday at FPJ’s Ang Probinsyano dahil bukod sa isa siya sa actor, siya ang nagsulat at magdidirehe ng una.

“Actually matagal na naming pinaghahandaan ito, ang pre-prod nito (Ang Panday). ‘Yun lang medyo hirap kasi isasabay ko siya sa ‘Ang Probinsyano’ pero kaya naman, sanay naman akong lumagare.”

Aminado si Coco na malaki ang magagastos sa ipinrodyus niyang pelikula. ”Kasi may effects po siya at gagawin namin ito para sa pamilyang Filipino at siyempre para po sa ating mga kabataan para mapasaya namin sila ngayong darating na Kapaskuhan.”

Ani Cardo, hindi siya nahirapang ipagpaalam kina Susan Roces at Carlo J. Caparas ang Ang Panday.

“Nagpaalam muna ako kay Tita Susan. Sabi ko ‘Tita Su, pangarap ko po talagang gumawa ng pelikula every Christmas at napupusuan ko po talaga na gawin ang ‘Ang Panday’ after ‘Probinsyano’.’ Natuwa siya kasi dahil nga binibigyan ko ng respeto.

“Sabi ko nga kay Tita Susan, gusto ko kasi makilala ng bagong henerasyon kung sino si FPJ pj at kung ano ‘yung mga pelikulang nilikha niya. Kumbaga sabi ko nga humingi ako ng guidance.

“Actually noong first shooting day ko nagpunta ako kay FPJ (sa puntod ng Da King) para magpasalamat sa ‘Ang Probinsiyano’… sa lahat ng tulong at gabay niya at humihingi ako ng gabay para rito sa Ang Panday.

“And after that nakipag-meet po kami kay Carlo Caparas at tuwang tuwa po siya na napili kong gawin ‘Ang Panday’. At nagko-collaborate po kami,” mahabang kuwento ni Coco na bagamat pawis na pawis na nang oras na iyon ay excited sa pagkukuwento sa amin matapos ang Story Conference na ginawa sa Fernwood Garden sa Quezon City.

Sinabi pa ni Coco na, ”Kaya ko pong pagsabayin ang ‘Ang Probinsyano’ at ‘Ang Panday’, lagi ko naman pong nagagawa ‘yan every year eh. Sobrang paguran ito physically at mentally lalo na ngayon na ako magdidirehe, magpo-produce. Sabi ko nga paninindigan ko po ‘yan hanggang dulo.”

At dahil uumpisahan na ang Ang Panday sa MMFF 2017, posibleng taon-taon ay gawin na ito ng actor.

“Sana po. Kaya sabi ko nga ito ang unang yugto at  binubusisi namin at pinag-igihan po natin para mapasaya ang ating mga manonood,” anito na isa siya sa sumulat kasama si Joel Mercardo.

MARIEL DE LEON
BILANG LEADING LADY

MARAMI naman ang nagulat nang ipakilala ni Coco si Mariel de Leon, anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong bilang bagong leading lady niya.

READ MORE:  Kapuso young actor Derrick Monsterio charotero!

“Hindi ko po alam eh (kung bakit si Mariel ang napili.) Basta parang got feel. Basta isang araw napanood ko siya sa TV, sabi ko sa sarili ko ‘alam lo na kung sino ang leading lady ko.’ Ayun, pinatawagan ko s’ya at talagang nagpaalam kami kay Tito Bo (Christopher) at Tita Sandy and then nakatutuwa na ipinagkatiwala sa amin si Mariel and ipinangako namin na talagang aalagaan namin ang anak nila.”

Natanong si Coco kung may kissing scene ba sila ni Mariel sa pelikula, ani Coco,”Ay hindi pa po namin alam,” natawa nitong sagot.

HINDI TITIGIL
GUMAWA NG PELIKULA
TUWING PASKO

Ukol naman sa kung ano ang naramdaman ng actor nang isa sa apat ang  pelikula nila na napili bilang entry sa MMFF, sinabi niyang, ”Kagaya ng sinabi ko noong nakaraang taon, hindi ako titigil sumubok. Kasi talagang pangarap ko na gumawa ng pelikula every Christmas para po sa ating mga manonood,” anito bagamat makakatapat ang isa sa kanyang bestfriend na si Vice Ganda na mayroon ding entry. ”Hindi ko alam eh… ‘yun ang ano n’ya eh… Ako naman po gagawin ko ito para sa lahat ng tao, sa lahat ng mga sumusuporta, naniniwala, at sumusubaybay sa ‘Ang Probinsyano’. Sana ngayong Kapaskuhan mapaligaya ko ang mga tao. At kung ganoon magkakasabay kami.”

At dahil sa magkakatapat ang kanilang pelikula ni VG, possible kayang magkatampuhan sila? ”Hindi ko po alam, matagal pa po ‘yun, malalim pa, hindi pa po kami nagkakausap,” sambit pa ng actor na ang gusto lamang ay magpasaya ng mga manonood. ”Sana lang mapasaya namin ang mga manonood. ‘Yun naman po ang hangarin namin, mapaligaya ang mga manonood ngayong Kapaskuhan.”

BUBUO NG ANG PANDAY,
UMABOT SA 50 KATAO

Noong Martes ay ipinakilala isa-isa ni Coco ang bubuo ng Ang Panday. At sa tantiya namin, aabot iyon sa 50. Pero ayon sa aktor, ”Actually siguro 70 percent pa lang itong mga naipakilala namin sa inyo, marami pa ang idaragdag.”

At ukol sa lokasyon ng shooting ng Ang Panday, sinabi ng King of Primetime na sa Metro Manila ang lokasyon nila bagamat mayroon din sa ilang probinsiya dahil,”May pinaplano po ako na paghaluin ‘yung ano… basta may pinaplano po kami na maganda.”

INDIE VS
COMMERCIAL
SA MMFF

Ayaw namang salungatin ni Coco ang naging reaction o pahayag ng ilang miyembro ng komite ng MMFF na nag-resign dahil aniya, ”May kanya-kanyang opinyon, may kanya-kanyang panlasa. Basta kami po ngayong napili kami dapat lang po na pagbutihin namin para mapaligaya namin ang mga manonood.”

READ MORE:  Sadako vs Kayako; The Ultimate horror face off

Umaasa naman si Coco na maaayos ang lahat ng bagay kahit nagkaroon ng hindi magandang simula ang MMFF 2017. ”Sana maayos, kasi ginagawa naman natin ito para sa ating manonood, and alam ko naman maaayos ito. Lagi namang may ganyan, last year may ganyan din naman pero ang importante ikinokonsidera natin kung sino ba ang mga taong mapapaligaya natin, para kanino ba ‘yung ginagawa natin? ‘Yun na lang sana ang isipin natin, para sa industriya natin.”

ONYOK, HINDI TSINUGI

Nilinaw naman ni Coco ang ukol sa kumakalat na usapin ukol kay Onyok na napabalitang tinanggal dahil sa umano’y pasaway ang ina.

Ani Coco, ”Hindi po namin siya tinanggal. Talagang nagpaalam sila sa amin dahil gusto nilang i-priority ang school. Talagang ang ano rin naman namin eh makapag-aral ang bata. At natutuwa kami kasi nagsimula siya sa amin nakapag-ipon siya, nakapagpatayo siya ng bahay, nakabili ng sasakyan tapos ngayon makakapag-aral na po siya. Nakatutuwa kasi baby nga namin siya at lumalaki siya ng maayos.

“At siyempre mami-miss ko si Onyok lalo na ang kakulitan niya at talagang napakagaling na bata niyan, napaka-propesyonal. Ngayon naman kasi ipa-priority lang niya ang school at may ginagawa naman po kasi siya ngayon tulad ng ‘Once Upon A Time’ tapos itong movie namin.”

Sinabi rin ni Coco na okey sila ng ina ni Onyok.

“Naiintindihan namin sila (magulang ni Onyok) at priority namin na alagaan ang mga bata. Kahit sina Paquito, Dhang, at Ligaya na kahit nagtatrabaho sila eh nag-aaral din sila.

“Nakakatuwa lang talaga na nakaipon na siya. Gusto niya talagang mag-aral. Sa amin naman po kung ano ‘yung gusto nila ‘yun ang pagbibigyan natin. Kasi mawawala tayo sa showbiz pero ‘yung matututuhan ng bata, hindi puwede na trabaho lang kahit magaling sila  mahalaga pa rin ang pag-aaral. Kahit nasa taping sila at kahit four hrs. lang kailangan nag-aaral pa rin sila.”

Kaya naman anytime ay puwede pa ring bumalik si Onyok sa Ang Probinsyano. ”Naka open ang kuwento niya. Tingnan n’yo po andito siya sa ‘Ang Panday,”paliwanag pa ng actor/director/producer na isang hari ng duwende ang gagampanan ni Onyok.

“Cute yun kasi sabi ko nga, ang ikinaganda rito action fantasy, comedy at love story, inalam talaga namin kung ano ang gusto ng mga bata, ng pamilya every Christmas. “

PUSO ANG GINAMIT
SA PAGDIDIREHE

Ang Ang Panday ang kauna-unahang pelikulang ididirehe ni Coco. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataong ginamit niya ang tunay niyang pangalan, ang Rodel Nacianceno.

“Actually sa mga indie film ko naman dati, ganyan na ako, kahit naman sa ‘Ang Probinsyano’. Like noong nagsisimula ako nahihiya ako. Ayaw kong ipalagay ang pangalan ko dahil nagka-crowd control na ako rati. Pero ngayon gusto kong ‘yun ang puntahan eh (pagdidirehe).

READ MORE:  Jayson Gainza, idol sina Roderick at Joey de Leon sa pagbabading!

“Actually, noon ko pa ginagamit ‘yung pangalan na Rodel pero nahihiya ako na sabihin na ako ‘yun. Para hindi alam ng mga tao, ngayon proud na akong sabihin na ako ‘yun.

”Darating din ang pagkakataon na kung ano ‘yung nararamdaman mo gusto mong ilabas na and feeling ko naman ito na ang tamang oras kaya ‘yun naglakas loob na ako at ako na ang nag-produce dahil kung ano’t anuman ang mangyari wala akong ibang sisisihin.

“At saka ‘yung mga tao na nakakatrabaho ko napaka-supportive nila sa akin. Kahit si Direk Brillante Mendoza po nagko-consult po ako sa kanila. Kahit kay Direk Malu Sevilla, ‘yung iba ko pang mga nakakatrabahong director sa TV.

“Kumbaga, ayoko naman itong gawin na parang alam ko na. Siyempre kailangan ko pa rin ng tulong nila. Siyempre ‘yang mga ‘yan dyan ako lumaki sa kanila.”

At gagamitin ni Coco ang totoong pangalan niya dahil, ”Yun ang totoo kong pangalan, mas gusto ko ‘yung totoong pangalan. Kasi ‘pag umaarte ka may screen name ka, ‘pag nagdi-direhe ka naman, mas maganda na gamitin ‘yung totong pangalan.

KAIBAHAN NG ANG PANDAY
NOON SA NGAYON

Ayon kay Coco, pinanood niya ang Ang Panday mula 1-4.

“Pinanood ko lahat ‘yan. Alam ko po ‘yan. Actually, kino-correct ko po ‘yung script namin para walang ano… kailangan alam ko po ang history para walang mali sa kuwento.”

At sa paglalarawan ng kuwento ng bagong Ang Panday, ”Modern Ang Panday ngayon. Unexpected hero.

“At tumataas ang panlasa ng manonood natin, may mga kalaban tayong Hollywood movies, kahit paano dapat hindi tayo nagpapaiwan sa mga ganoong bagay. In terms of effects, dapat nating paghandaan ‘ yun, story telling tapos ito pa ang kauna-unahang pagdidirehe ko and kahit paano gusto kong maipagmalaki balang araw sa mga magiging anak ko.”

At dahil uumpisahan na ni Coco ang pagdidirehe, papasok na ba siya sa isang eskuwelahan para pormal na pag-aralan ang directing?

“Honestly, gusto ko siyempre kaso ‘yung oras pero minsan kasi sabi nila, iba kasi ang naituturo kapag nasa ground, ‘yung experience kaysa nasa book. Pero siyempre gusto ko pa rin mag-aral niyon like ‘yung mga technical, ilaw, kung paano gagawin ‘yun. Right now, puso kasi ang ipinaiiral ko ngayon eh. Ito ngayon ang ano ginagamit ko,” pagtatapos ni Coco sa mahabang pakikipaghuntahan sa kanya.

SHOWBIZ KONEKMaricris Valdez Nicasio

COMMENTS

About Maricris Valdez Nicasio

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved