Tuesday , February 20 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Gaganti si Isko Moreno kay Erap sa 2019 Honey Lacuna ang bise

Gaganti si Isko Moreno kay Erap sa 2019 Honey Lacuna ang bise

00 Kalampag percyPAGHIHIGANTI sa dati niyang “president-ma-yor-daddy” ang pinaniniwalaang pakay ni Isko Moreno sa planong pagtakbo bilang alkalde ng Maynila sa 2019.

Ngayon pa lang ay ikinakamada na raw ng ilang kaalyadong konsehal at barangay officials ang tambalang Isko-Lacuna para masigurong hindi na muling maiisahan ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada sa susunod na eleksiyon.

Gustong makabawi ni Isko sa panlolokong inabot sa dati’y iniidolo pa man din niyang si Erap na hindi tumupad sa pangakong isasalin sa kanya ang trono ng Maynila pagkatapos ng isang termino, base na rin sa kanilang kasunduan bago ang 2013 elections.

Imbes isalin sa kanya ang puwesto noong 2016, kinombinse ni Erap si Isko at muling pinangakuan na popondohan ang malaking magagasta sa kampanya sa pagtakbong senador.

Nagbigay raw muna si Erap ng ilang milyon bilang paunang pondo sa kampanya.

Pero sa kasagsagan ng kampanya ay biglang ibinitin ni Erap ang mas malaking balanse na ina-asahan ni Isko, bagay na kanilang pinagtalunan.

Ito ang tagpo na nasuntok pa raw ni Isko ang salamin ng isang nakaparadang sasakyan sa ibaba mismo ng Manila city hall na nagpadugo sa kanyang kamay.

Noon lang lubos napagtanto ni Isko na inilaglag siya ng kanyang president-mayor-daddy.

At noong 2016 elections, ipinalasap ng mga Manileño kay Isko ang parusa sa hindi malilimutang pagtatraydor niya kay Mayor Alfredo Lim noong 2013.

Kaya nabigong makahakot ng boto si Isko sa Maynila nang tumakbong senador sa ilalim ng tiket nina Grace Poe at Chiz Escudero na nagresulta sa miserableng pagkatalo at maagang pagtatapos ng kanyang maikling career sa politika.

Bago pa man ang nakaraang eleksiyon, batid na ni Isko na wala na siyang pag-asa na manalo kahit congressman sa itinuturing niyang baluwarte sa 1st District kaya’t napilitan siya na tumakbong senador para hindi gaanong mahalata ng publiko ang pagkatalo.

Kaya ngayon ay nakiki-Duterte si Isko sa pag-asang makuha ang suporta ni Pres. Rodrigo R. Duterte sa kanyang planong pagtakbo at mapaghigantihan si Erap Buang sa ginawang pagbasura sa kanya.

Umpisa pa lang ng pagsasanib-puwersa nina Erap at Isko sa Maynila ay ipinagpauna na na-ting hindi magtatagal at sa bandang huli ay magkakahiwalay rin sila ng landas.

Anomang pundasyon ng pagsasama na nakabase sa masamang intensiyon ay siguradong hindi magtatagal kapag parehong masama ang pakay at hindi mabuti ang layunin.

Kung sabagay, karapatan naman ni Isko na umasang siya ay makakaporma pa at magbaka-sakaling maibabangon pa ang nakalibing na career sa politika.

PAHAMAK
NA NEGOTIATOR

MARAMI ang nakapuna kung bakit matapos matalong senatorial candidate sa tiket ni Grace Poe ay bigla na lang sumulpot ang makapal na pagmumukha ng dating bise-alkalde sa kampo ng kasalukuyang administrasyon.

Ang ipinagtataka pa ng mga supporters ni Pres. Rodrigo R. Duterte sa Maynila ay kung paano nabigyan ng papel si Isko sa peace negotiating panel ng kasalukuyang administrasyon.

Matatandaan na si Isko ang puno’t dulo kung bakit nagwala at tuluyang nabuwang si dating police Capt. Rolando Mendoza na bumihag sa Hong Kong nationals na sakay ng isang tourist bus sa harap ng Quirino Grandstand noong 2010.

Nagsilbing mitsa ng pagwawala ni Mendoza ang pag-eksena ni Isko sa hostage drama bitbit ang dispalinghadong dokumento mula sa Ombudsman na hindi muna ikinonsulta sa mga negosyador.

Sa pagkakatanda natin sa mga pangyayari, nag-umpisang masira ang negosasyon sa hostage crisis nang biglang lumapit si Isko sa bus para ipakita ang bitbit na dokumento na hindi naaayon sa hinihinging kondisyon ni Mendoza.

At nang papalayo na si Isko, kasama ang isang negosyador na pulis, mula sa bus ay pinaputukan sila ni Mendoza.

Sino kayang uto-uto na malapit kay Pres. Digong ang nabola ni Isko para maisamang negosyador?

LUMANG ‘SEX SCANDAL’,
SINO ANG NAGPAKALAT?

KAMI raw ang pinagbibintangan ni Erap sa noo’y kumalat na ‘sex scandal’ sa pagitan ng anak ng isang mataas na opisyal sa city hall at ng isang dating mataas din na opisyal ng Konseho sa Maynila.

Nagbunga raw ang bawal na pag-ibig at mga nakaw na sandali sa pagdadalang-tao ng babae.

Pero alang-alang sa patas na pamamahayag, abangan na lang ni Erap sa pitak na ito ang katotohanan na ating isisiwalat kaugnay ng nasabing isyu.

Ang hindi lang natin alam ay kung magawang magalit ni Erap kapag nalaman niya kung sino ang talagang pinagmulan at nagpakalat ng naturang eskandalo.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

COMMENTS

About Percy Lapid

Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved