Saturday , August 19 2017
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Tongpats na naman sa Makati City BPLO!? (Attn: DILG & Ombudsman)
Tongpats na naman sa Makati City BPLO!? (Attn: DILG & Ombudsman)

Tongpats na naman sa Makati City BPLO!? (Attn: DILG & Ombudsman)

ANO ba ang layunin ng Makati City Business Permit and Licensing Office (BPLO) at nag-endoso (na naman?!) sila ng dalawang insurance company?!

‘Yan lang po ang unang tanong, Atty. Maribert Pagente.

Sa inyo po namin itinatanong dahil kayo ang hepe ng Makati BPLO.

Ang sabi ng mga aplikanteng taxpayer, insurance agent o korporasyon — lahat ng insurance sa mga renewal ng business permit ay kailangan may tongpats ‘este’ authentication ng dalawang insurance company?!

Wattafak!?

Tinukoy ang dalawang insurance na Stronghold at Sterling Insurance companies na nakapaglagay pa ng tig-isang mesa with computer sa tabi ng opisina ng Makati BPLO.

May ordinansa o kontrata ba ang dalawang insurance company para magsagawa ng authentication!?

Mula noong unang Lunes ng Enero (supposedly ay 2 Enero) pero dahil holiday kaya pumalo sa susunod na araw 3 Enero, araw ng Martes hanggang 21 Enero 2017 daragsa ang mga aplikante sa BPLO para sa renewal at new applicants.

010917-makati-bplo

Halos tatlong linggo lang po ‘yan kaya siyempre tiba-tiba ang dalawang insurance company dahil sapilitan nilang binabaldog ng 60 PORSIYENTO sa bawat insurance premium ng mga taxpayers o insurance rep.

Ang 60 percent na tongpats este authentication fee ay naiiwan umano sa kanila ang 10 percent, habang ‘yung 50 percent ay para umano sa ‘itaas’ ayon sa Sterling.

Saan at sino naman kaya ‘yang ‘taas’ na ‘yan?!

Sa kataas-taasan ba?!

Sonabagan!!!

Ibig bang sabihin niyan, ‘yung tinanggal na ganyang bulok na sistema noong panahon ni Mayor Kid Peña ‘e muling namayagpag ngayong panahon ni Mayora Abigail Binay?!

Hindi ba’t namayagpag na ang sistemang ‘yan noong panahon pa ni Mayor Junjun Binay?

Ngayong natanggal na ang isang tongpats na sistema, bakit ibinabalik pa rin!?

Ngayon tayo lubos na naniniwala, mayroon talagang sistemang ‘tongpats’ na umiiral sa Makati City sa panahon ng mga Binay.

Hindi ba tayo nagkakamali diyan Makati residents?

Kung sino man daw ang nakikinabang sa sistemang ‘yan, ‘e huwag na ninyong tanungin dahil kitang-kita naman raw ang ebidensiya!

‘Yun ‘yun ‘e!

ANG LAOS NA ‘PAPOGI’
NI MMDA CHAIR TOM ORBOS

010917-bonifacio-lawton-illegal-terminal

TILA naghihimagsik ang kalooban ng monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Liwasang Bonifacio (dating Plaza Lawton) sa tapat ng Central Post Office Building sa Ermita, Maynila, dahil ang lugar na dating tagpuan at lunsaran ng malalaya at progresibong kaisipan sa pagpapalaya ng bayan ay nanlilimahid, tambayan ng mga illegal vendor at mga ‘palaboy,’ higit sa lahat ginawang illegal terminal ng mga kolorum na sasakyan na kadalasan ay sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa nasabing area. Paging MMDA Chair Tom Orbos! (Kuha ni BONG SON)

Si Chairman Tom Orbos, parang nakukulangan siguro sa ‘kapogian’ niya.

Bakit?!

Kasi panay ang papogi roon sa EDSA.

Pinaghuhuhuli ang mga kolorum na sasakyan at illegal terminal.

Malamang karamihan diyan mga van na UV Express na napatunayang kolorum.

Kumbaga driver lang ang may lisensiya ‘yung sasakyan ay walang prangkisa kaya kolorum.

Pero ang ipinagtataka nga natin, bakit sa EDSA lang nakatutok ang operasyon ni MMDA Chair Tom Orbos?

Bakit hindi niya puntahan ang Lawton sa Maynila, para makita niya ang sandamakmak na UV Express na ginawa nang terminal ng mga kolorum ang buong Plaza Lawton.

‘Yan ang pinakamalaking illegal terminal sa buong Maynila!

Hindi makanti ng awtoridad dahil halos lahat ay nakapayola na riyan?!

‘Yan rin ang sinasabing dahilan ng prehuwisyong trapik sa Kamaynilaan dahil hindi lang sandamakmak na kolorum van ang pumaparada diyan kundi pati kolorum provincial bus?!

MMDA Chair Tom Orbos, ano ang rason kung bakit hindi umaabot sa Plaza Lawton ang inyong operation?!

Napipiringan ba kayo sa mata?! At nabubusalan sa bibig?! Sana naman ay hindi…

‘Di ba Chairman Orbos?

PAALALA SA MGA DEBOTO
NG MAHAL NA POONG NAZARENO

010517-nazareno

Ngayong araw po ay magaganap ang traslacion.

Taon-taon halos milyong deboto ang dumadalo rito.

Mula noong Biyernes, 6 Enero, dumagsa at humugos na ang mga deboto para makahalik sa paa ng Mahal na Poong Nazareno. Kahapon, inilipat na sa Quirino Grandstand ang pahalik pero parang hindi nababawasan ang bilang ng mga nakapilang deboto.

Ngayong araw, magaganap ang traslacion patungong Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo church) mula sa Quirino Grandstand.

Sana’y maging maingat ang mga deboto ganoon din ang mga namumuno sa traslacion.

Isapuso po sana ng bawat isa ang debosyon at hindi ‘yung tipong gumigimik lang dahil ang iba ay nakainom pa.

Tiyakin po na nasa ligtas na lugar kayo at huwag lumambitin sa karosa ng Mahal na Poong Nazareno.

Magbaon po ng tubig, tuwalya at pamalit na t-shirt.

Sa mga may iniindang karamdaman, huwag na po kayong magpilit makipagsiksikan sa traslacion lalo na kung nakahalik na kayo sa paa ng Poong Nazareno.

Higit sa lahat, tumulong po ang bawat deboto para maging mapayapa ang traslacion.

Hiling ko po ang isang banal at mapayapang traslacion ng Mahal na Poong Nazareno.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)
Scroll To Top