Sunday , August 20 2017
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Former PLM officials sa diploma mill raket dapat din makasuhan

Former PLM officials sa diploma mill raket dapat din makasuhan

00 Kalampag percyNAGBUNGA rin sa wakas ang ibinulgar nating anomalya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa malaganap na programang Lapid Fire sa radio at sa pitak na ito, ilang taon na ang nakararaan.

Sinibak ng Ombudsman sa serbisyo si Commission on Higher Education (CHED) executive director Julito Vitriolo matapos mapatunayang guilty sa pagpapabaya sa tungkulin o kasong grave misconduct, gross neglect of duty, incompetence at inefficiency.

Sinampahan na rin siya ng kasong kriminal sa Sandiganbayan, ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).

Noong 2010, ibinulgar natin ang pamimigay ng PLM ng diploma sa mga nagsipagtapos daw ng bachelor, masteral at doctorate dregree sa ilalim ng isang programa ng CHED na kung tawagin ay Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).

Nagsadya sa atin noon si G. Oliver Felix, isang dating faculty sa PLM, bitbit ang makapal na ebidensiya sa malaking kawalanghiyaan at pamimigay ng diploma sa kung sino-sino sa ilalim ng ETEEAP.

Kabilang sa kopya ng dokumento ang isang liham na pirmado mismo ni Vitriolo na noo’y OIC sa Office of the Executive Director IV ng CHED kay Ms. Victoria Yumang, dating resident auditor ng PLM na may petsang November 27, 2008:

“In reply to your inquiry about the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) implementing the Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), please be informed that the Commission on Higher Education has the sole power and function to deputize higher education institutions (HEIs) to implement the ETEEAP. CHED Memorandum Order (CMO) No. 21, s1997 clearly provides the Centers of Excellence or Centers of Development, or programs with Level III accreditation from any of the accrediting agencies recognized by the CHED may be deputized. In addition, CMO No.41, s2007 lists the deputized HEIs and their program offerings through the ETEEAP. The PLM has not been deputized by the CHED and is not included in the said List.”

Maliwanag na ilegal at malamang kaysa hindi na limpak-limpak ang kinita ng mga salaulang opisyal ng PLM noon sa pagpapatupad ng karumal-dumal na diploma raket gamit ang ETEEAP na walang basbas ng CHED.

Hawak natin ang kopya o listahan ng mga dati at kasalukuyang opisyal sa pamahalaan na kabilang sa mga nagpapanggap na may diploma at nagtapos ng bachelors, masters at doctorate degree sa PLM.

Ginamit na diploma mill ng mga dating opisyal ng PLM ang ETEEAP para bihisan ng titulo ang mga peronalidad na nagnanais maitalaga sa matataas na puwesto sa gobyerno gayong wala namang accreditation mula sa CHED na magpatupad ng nasabing programa.

Dahil wala siyang ginawa para ipatigil ang kawalanghiyaan ng masisibang opisyal sa PLM noon na gumahasa sa ETEEAP ng CHED kaya si Vitriolo ay pinaniniwalaang nakinabang sa anomalya.

Sinalaula nila ang mataas na reputasyon ng PLM bilang isa sa pinakamahusay na unibersidad sa bansa kaya dapat lang makasuhan at mapanagot din sa batas ang mga dating sangkot na opisyal.

Sana, ipahanap ni Pang. Rodrigo R. Duterte ang mga naipuwesto sa pamahalaan na peke ang ipinirisintang credentials.

Hindi ba estafa thru falsification of public documents ang tawag diyan?

ILANG NASA MEDIA
PEKE ANG DIPLOMA

PERO bukod sa mga politiko, alam n’yo ba na may ilang nasa media rin ang kasamang napagkalooban ng palsipikadong diploma ng PLM at nakakuha ng appointment na maipuwesto sa gobyerno na peke ang credentials.

Dapat lang ipalabas ang listahan para mabisto kung sino-sino ang mga impostor na nabigyan ng pekeng diploma at nagpapanggap na may bachelor, masteral at doctorate degree sa PLM na nakakuha ng puwesto sa pamahalaan.

Hindi na nahiya sa balat nila ang mga hindoropot na naaatim bihisan ng pekeng titulo ang sarili bilang mga propesyonal kahit wala naman talagang natapos na kurso sa kolehiyo.

Dapat din malaman kung awtorisado ng Department of Education (DepEd) at CHED na magturo ng kursong journalism ang isang paaralan sa Subic Bay Metropolitan Administration (SBMA).

PARANGAL SA NAGKASO

SI G. Felix ay tinanggal sa pagtuturo matapos niyang sampahan ng kaso sa Ombudsman ang mga opisyal ng PLM sa pamumuno ng dating pangulo na si Dr. Benjamin Tayabas at ng kanyang board of regents.

Humahanga tayo kay G. Felix na nagtaya ng sariling kapalaran para ipagmalasakit ang interes at integridad ng PLM laban sa mga tiwaling opisyal ng unibersidad.

Ang mga tulad ni G. Felix ang dapat gawaran ng parangal, hindi ang mga impostor na may pekeng diploma.

Kailan naman kaya makakasuhan ang mga dating opisyal ng PLM na kasabwat ni Vitriolo sa raket?

BACK-TO-BACK ‘TONGPATS’
COLLECTION NI ‘BOY AGWAS’
ALYAS ‘AQUA MAN’ NG SPD

SAYANG naman ang mga ipinagmamalaking accomplishment na pinaghihirapang ipundar ng bagong liderato ni Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa at ng Philippine National Police (PNP) kung masasapawan lang ng sumisikat na “tong collector” at nagpapakilalang “bagman” daw siya ni Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario.

Parang rock star, ‘ika nga, ang arrive ni alyas “BOY AGWAS” sa pangongolekta ng “tongpats” mula sa maliliit hanggang sa malalaking establisimiyento na saklaw ng SPD.

Lagi sigurong may baon na ‘Bonamine’ si Boy Agwas kaya hindi siya nakaramdam ng hilo sa laki ba naman ng kanyang iniikutan para mangolekta sa mga ilegalista.

Alam kaya ng tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pati sila ay back-to-back umanong ipinangongolekta ni Boy Agwas ng ‘tararajing-potpot?’

Ipinaglihi yata siya kay ‘Aqua Man’ kaya hindi lamang swimming pool ang kanyang nilalangoy kung ‘di pati maliliit na kanal ay sinisisid ni Boy Agwas para mangolekta ng tongpats mula pa noong bago mag-Pasko.

Hindi kaya makatapak ng nuno sa punso at mamaga ang katawan ni Boy Agwas alyas Aqua Man kapag nakarating kay Gen. Bato ang walang takot na raket niya sa SPD?

Santisima!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Scroll To Top