Saturday , April 20 2024

‘Suhol at bukol’ sa kaso ni Jack Lam

00 Kalampag percyPAHAPYAW nating nabanggit sa malaganap na programang Lapid Fire sa DZRJ – Radyo Bandido (810 Khz) noong Biyernes ng tanghali ang tungkol sa kumakalat na balitang sumuka raw ng halagang P110-M ang dayuhang Tsekwa na si Jack Lam, ang online gambling operator sa Clark, Pampanga.

Ipinag-utos ni Pang. Rodrigo R. Duterte ang pag-aresto kay Lam kasunod ng tangkang panunuhol kay Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre II at Pagcor Chairperson Andrea “Didi” Domingo kapalit ng proteksiyon.

Ang gambling business ni Lam sa Fontana, Clark. Pampanga ay nagsimula sa panahon ng administrasyon ni dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Pero bago pa ipinag-utos ni PRRD ang pag-aresto ay nakapuslit na si Lam palabas ng bansa.

Nag-ugat ang malaking eskandalo ng bribery o suhulan matapos salakayin ng mga awtoridad ang ginagamit na opisina ng gambling operation ni Lam sa Fontana, Clark at madakip ang may 1,300 na dayuhang empleyado ni Lam na ilan sa kanila ay kuwestiyonable ang visa at ang iba ay mga walang kaukulang dokumento para magtrabaho sa bansa.

Ilang araw matapos ang pagkaaresto sa mga dayuhan, sumingaw na ang iba sa kanila ay nakawala at biglang naglaho sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) kapalit umano ng halagang P300,000 bawa’t isa.

Habang niyayari, este, nangyayari ang areglohan sa BI, naganap ang pagkikita nina Lam at Sec. Aguirre sa isang malaking hotel sa Global City, Taguig sa pamamagitan ng ng isang Wally Sombero, isang retiradong colonel sa Philippine National Police (PNP).

Naghatag muna umano si Lam ng halagang P50-M bago ang nabanggit na pakikipagkita nila ni Sombero kay Aguirre.

Hindi raw sana kasama si Lam sa naturang meeting pero napilitan lumutang upang personal niyang makaharap si Aguirre dahil sa karagdagan pang P60-M na hirit sa kanya.

Si Sombero, na umano’y nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI), ang lumalabas na broker at nagkamada ng pakikipag-miting nila ni Lam kay Aguirre.

Ayon mismo kay Aguirre, sinabihan siya ni Sombero na siya ang kursunadang maging ‘Ninong’ ni Lam.

Sa dami ng sabit sa eskandalo, siguradong magkakaiba na ang bersiyong nakarating kay PRRD mula sa mga itinuturong tumanggap kung ‘di man nangikil ng ‘pitsa’ kay Lam.

Posibleng hindi alam ni Aguirre ang pagsulpot ni Lam sa kanilang meeting ni Sombero pero bakit hindi niya agad ipinaaresto ang dayuhan sa indirect bribery, doon mismo, matapos dumiga ng panunuhol?

Ayon kay PRRD, papayagan niyang makabalik si Lam dito sa bansa kung magbabayad ng kanyang malaking atraso sa buwis at iba pang kondisyones.

Ang problema, ikanta pa kaya ni Lam kung sino-sino ang mga nagkamal sa kuwartang isinuka niya, kung sakali?

SI “WALLY PAYOLA”

KUNG bago pa ang miting nila ni Sombero ay sumuka na ng kuwarta si Lam, ang importanteng matukoy ay kung kanino napunta ang una ay P50-M na sinundan pa umano ng P60-M, suma-total ay umaabot sa P110-M?

Sabi ni Aguirre, si Sombero raw ay ginagamit niyang asset sa DoJ.

Kaya marami ang nagtatanong kung bakit ang isang laging ikinakabit ang pangalan sa “payola” ang nakursunadahang maging asset sa DoJ?

Kung may Wally Bayola sa Eat-Bulaga, sa illegal gambling at smuggling naman ay may nabansagang “Wally Payola” ng CIDG.

Ang hindi lang natin kompirmado, kung si Wally Payola at si Sombero ay iisa.

Basta’t ang nasisiguro ko, ang dating pulis na si Wally Sombero ay kampeon sa sugal na poker kaya siya ay nataguriang ‘Poker King.’

Sino kaya ang mga nabukulan at nagkamal sa mga hinihinalang sangkot sa eskandalo ng suholan of the century?

Abangan!!!

ERAP MAS MASAHOL
KAYSA DRUG ADDICT

HIGIT na marangal pang maituturing ang isang drug addict kung ikokompara sa pagiging adik ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap’ Estrada pagdating sa pera.

Ang mga adik na lulong sa ipinagbabawal na droga ay paisa-isa lang kung bumiktima sa tuwing may isasagawang krimen.

Samantala si Erap na sa alak lulong ay hindi lang maramihan kung ‘di buong bansa pa kung maminsala kaya nga nahatulan siyang guilty sa kasong pandarambong, isang krimen laban sa buong sambayanan.

Walang siyang tigil ng pananalasa sa mga ari-arian ng Maynila na may mahahalagang bahagi sa kasaysayan at itinuturing na pamanang mag-uugnay sa nakaraan at kasalukuyang panahon na dapat pahalagahan.

Pinakahuli sa mga nais pagkaperahan ni Erap ang makasaysayang Rizal Memorial Complex na kanyang ikinompromiso sa negosyanteng si Enrique Razon para pagtayuan ng pribadong mall at commercial buildings.

Samantala sa Pasig, pinasinayaan ang renovation ng isang lumang gusali na wala namang mahalagang kinalaman sa kasaysayan ng bansa.

Hindi birong halaga ang ginastos ng lokal na pamahalaan para hindi lang maibalik kung ‘di mapaganda pa kaysa dating itsura nito ang Pasig Revolving Tower na noong dekada ‘70 lamang naitayo.

Dapat paimbestigahan din ni Pang. Duterte kung bakit pinayagan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na maibenta ni Erap ang Manila Zoo, Army and Navy Club, PNB building sa Escolta.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Sinong gustong dumaan sa EDSA Carousel?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa mga nagdududa sa ‘kasagradohan’ ng EDSA Carousel …

Sipat Mat Vicencio

Mayor Abby Binay pasok sa ‘Magic 12’ ng Pulse Asia, hahaha…

SIPATni Mat Vicencio SINO ba naman ang maniniwala sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan …

Dragon Lady Amor Virata

Ikot-ikot na para sa 2025 local elections

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata IBA’T IBANG pakulo o propaganda na ang sinisimulan ng …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

QCPD nakapagtala ng 82.61% Crime Solution Efficiency sa nagdaang Semana Santa

AKSYON AGADni Almar Danguilan SADYANG hindi maiwasan na saluduhan ang Philippine National Police (PNP) sa …

YANIG ni Bong Ramos

Riders at tricycle drivers, ‘suki’ ng traffic enforcers

YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang kalagayan ng riders at tricycle drivers dahil sila ay suking …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *