Lim tapat pa rin sa Liberal
Leonard Basilio
May 5, 2016
News
BINIGYANG-DIIN kahapon ng nagbabalik na si Manila Mayor Alfredo Lim na nananatili siyang tapat sa Liberal Party (LP) at sa presidential bet nilang si Mar Roxas na pumili sa kanya bilang kandidato para alkalde ng Maynila at ang pagtanggap ng suporta mula kay BUHAY Party-list Congressman Lito Atienza at anak na si incumbent fifth district Councilor at vice-mayoral candidate Ali Atienza ay walang kinalaman sa kanyang katapatan sa partido.
Ayon kay Lim, walang kandidato na nasa tamang pag-iisip ang tatanggi sa anuman at lahat ng uri ng suporta o tulong mula sa lahat ng uri ng grupo o sektor, maging kakampi man o taga-oposisyon. Inihalimbawa ni Lim ang nangyari mismo kay LP standard bearer Mar Roxas na aniya ay hindi maaaring sisihin sa pagtanggap ng endorsement ni San Juan Mayor Guia Gomez, sa kabila na si Gomez ay hindi naman taga-LP at asawa ni dating President Joseph Estrada na taga-oposisyon.
Si Gomez ay kaanib ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni Estrada at ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jojo Binay.
“Hindi porke tinanggap ni LP presidential bet Mar Roxas ang suporta ni Mayor Guia na taga-oposisyon, ibig sabihin ay bumaligtad na sa partido. Gayon din, ‘di porke tinanggap ko ang suporta ng mga Atienza e bumaligtad na rin ako sa partido. Pag sinabing bumaligtad, tumiwalag ako sa partido o kaya lumipat ng partido,” ani Lim, kasabay ng pahayag na isa siyang tapat na miyembro ng LP bago pa man maging miyembro ng partido si Asilo at ni minsan umano ay hindi siya bumaligtad o nang-iwan ng partido.
Idinagdag ni Lim na bago niya tinanggap ang suporta ng mga Atienza ay may mga ‘Estrada-Asilo’ materials nang kumakalat sa Tondo at mga balitang nakikipag-usap din kay Rep. Amado Bagatsing pero ni hindi niya tinanong si vice mayoral candidate Rep. Benjamin Asilo ukol doon.
“Marami ngang taga-LP ang nagtatanong noong LP proclamation rally sa Plaza Miranda kung bakit parehong naka-orange na sapatos si Asilo at kapatid nitong kandidato din ng LP pag-akyat ng entablado, pero sabi ko, baka nagkataon lang,” dagdag ni Lim.
May ilang buwan nang nakalilipas ay kinausap na umano niya si Asilo upang pag-isipang mabuti ang kanyang kandidatura, lalo pa’t pare-pareho ang ipinakikita ng mga survey na palagi siyang kulelat, kundi pangatlo ay pang-apat.
Sa naturang surveys na kinabibilangan ng mga isinagawa ng opposition camps gaya ng UNA at PMP, sina Lim at Ali ang palagiang nangunguna nang may malaking kalamangan sa kanilang mga kalaban.
Ito, ani Lim, bukod pa sa matinding public clamor para sa isang ‘Lim-Atienza’ tandem sa Maynila, ang nagbunsod sa kanya upang tanggapin at ibalik ang suportang ibinibigay ng mga Atienza.
Inihayag ni Congressman Atienza na maging ang kanyang anak na si Konsehal Ali ay walang ineendosong alkalde kundi si Lim lamang, dahil hindi umano maituturing na seryosong kandidato si Rep. Amado Bagatsing dahil hindi kumakampanya at nagpahayag pa na siya (Bagatsing) at si Estrada ay hindi magkaaway.
Sa press conference, sinabi ni Lim ang pagtanggap sa suporta ng mga Atienza, binanggit din ni Lim ang plano na muling kausapin si Asilo gaya nang una nilang pag-uusap, upang magbigay-daan na lang dahil patuloy na ipinakikita ng mga survey at public clamor ang pangunguna nina Lim at Ali bilang kandidato sa pagka-mayor at vice mayor.
Gayon man, hindi umano nagpakita sa kanya si Asilo sa kabila ng ilang tangka na magkita sila.
Nagpahayag ng suporta sa isa’t isa sina Atienza at Lim sa pagnanais na maibalik lahat ng libreng serbisyong ipinairal ni Lim pero tinanggal ni Estrada gaya ng libreng ospital, health centers, paggamit ng sports complex at gayon din upang muling ibaba ang amilyar na itinaas ni Estrada sa 300 porsiyento at itigil ang walang patumanggang towing at paghuli ng mga pedicab at tricycle drivers sa lungsod.