MINALIIT ng Palasyo ang inilalakong “Daang Mabilis” ni Vice President Jejomar Binay bilang 2016 presidential bet.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, subok na ang “Daang Matuwid” na pamamahala sa gobyerno na ipinamalas ni Pangulong Benigno Aquino III.
Napatunayan na aniya ng “Daang Matuwid” ang tapat at malinis na pamamahala at hindi ibinubulsa ang pera ng bayan.
“Doon sa daang mabillis. Alam mo ilang beses nang sinabi ito ni Pangulong Aquino na at least ‘yung daang matuwid subok na ‘di ba? Subok na matapat ‘yung pamamahala at subok na malinis ‘yung pamamahala at sigurado ho tayong sa tao napupunta ‘yung benepisyo hindi ho sa bulsa ng politiko,” paliwanag ni Valte.
Sa ginanap na Go Negosyo presidential series ay inihayag ni Binay na kapag siya ang pinalad na manalong pangulo sa 2016 elections ay isusulong niya ang Daang Mabilis upang maging epektibo ang paghahatid ng serbisyo sa taumbayan sa mabilis na pamamaraan.
(ROSE NOVENARIO)