LUMAYA NA SI KONG KONG PERO HINDI PA SI RANDO
“Tumataginting na fifty thousand pesos ang premyo sa magta-champion…” pagbobrodkas ng matabang emcee-comedian.
“At hindi uuwing luhaan ang ‘di magwawagi dahil maroon siyang takehome na fifteen thousand pesos!” segunda ng payatot na emcee-comedian.
“Umpisahan na ang laban!” ang umaatikabong sigawan ng mga kalalakihang miron.
Tumunog ang batenteng na senyal sa pagsisimula ng bakbakan.
Pumaloob si Rando sa parisukat na mundo na sukatan ng lakas, tapang at abilidad ng dalawang kalahok sa kompetisyon. Umalingawngaw na agad ang nakatutulig na hiyawan at palakpakan ng mga miron at sugarol. Pakiramdam niya, silang dalawa na magsasagupa sa ruweda ay tila laruan na ginagawang libangan ng mga taong masasalapi, gaya ni Don Brigildo na nakadarama ng labis na kasiyahan sa panonood.
At nagunita niya ang mga pangungusap na galing sa kaibuturan ng puso ni King Kong:
“Parang manok na isinasabong ang tao sa kapwa tao… Ginagawang libangan ng masasalapi … Kanila na ang korona at salaping pa-premyo nila… Gusto ko nang mamahinga… At sa ganang akin, mas mahalaga ang maging isang malaya…
“Kung talagang ayaw mo nang lumaban, dalawang bagay lang ang pwede mong gawin bilang kampeon ng Grand Matira Ang Matibay. Magpakalayo-layo ka sa bayang ito, o kaya ay matalo o magpatalo ka… Ibig sabihin n’yon, tatanggihan mo ang korona at ‘di mo panghihinayang ang salaping gantimpala…”
Napabuntong-hininga nang malalim si Rando.
“Kung magpapakalayo-layo man ako, saan ko dadalhin ang aking pamilya? At kung saka-sakali, ano’ng magiging hanapbuhay ko roon? Paano na ang aking mag-ina?Ah, bahala na… bahala na!” aniya sa pag-aantanda sa pagyapak sa gitna ng ruweda.
(wakas)
ni Rey Atalia