Wednesday , September 26 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Towing sa Maynila sinuspinde

Towing sa Maynila sinuspinde

00 bullseye batuigasSA wakas ay nakatikim din ng kahit ‘kaunting panalo’ ang mga kaawa-awang nagsusumbong sa kalupitang ipinalasap umano sa kanila ng mga damuhong nanghahatak ng sasakyan sa Maynila.

Mantakin ninyong inamin ng gobyerno ng Maynila na sandamakmak na reklamo ang tinatanggap nila linggo-linggo ukol dito kaya nagdesisyon silang isuspinde muna ang towing operations sa lungsod. Kaya nga lang, nasabi nating ‘kaunting panalo’ dahil pansamantala lang daw ang suspensyon na ito.

Ayon kay Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, pinuno ng Manila Traffic Council, kailangan daw nilang mailagay sa wasto ang lahat at kausapin nang maayos ang private towing companies upang bumaba ang mga kaso ng pang-aabuso.    

Kabilang din sa ipinasuspinde ang dalawang accredited towing companies ng local government, ang RMW na may 30 towing trucks at  PMA Towing Services na 10 ang tow truck.

Ayon kay Isko, iimbestigahan daw ng mga opisyal ng lungsod ang lahat ng reklamo na kanilang natanggap at kakasuhan ang mga kompanya at operator ng tow trucks na lalabas na “guilty” o may sala. Pananagutin daw nila ang mga umaabuso.

Hindi raw nagkulang ang gobyerno ng Maynila sa pagpaparusa sa abusadong towing operators. Nakatatanggap daw sila ng 15 hanggang 20 reklamo kada linggo mula sa nagdududa kung lehitimo ang papeles ng rehistrasyon ng towing firm at personnel hanggang sa paniningil nang sobrang taas. May reklamo rin na nagkaroon ng sira ang sasakyang hinatak.

Mula raw noong nakalipas na taon ay 73 traffic enforcers at ilang towing trucks at personnel na ang kanilang sinuspinde. Susuriin umano ang business permits at akreditasyon ng towing companies at ire-revoke ang malalamang lumabag sa regulasyon sa kanilang operasyon.

Para sa inyong kaalaman, madalas din tayo makatanggap ng reklamo laban sa mga nagto-towing sa lungsod at ang kadalasang laman ng mga sumbong ng mga motorista ay RMW Towing Services. At ang matindi pa ay pangalan daw ni Isko ang ipinanakot ng mga damuho sa kanilang mga hinuhuli.

In fact, noong isang linggo ay isang pulis-Maynila ang nagreklamo sa Manila Police District (MPD)-General Assignment and Investigation Section (GAIS) na nasa ilalim ng pamumuno ni Chief Insp. Arsenio Riparip, dahil pinagtangkaan daw hatakin ng limang kataong crew ng RMW ang kanyang motorsiklo.

Nagpakilala siyang pulis at nakiusap pa na kung puwede ay huwag hatakin ang kanyang sasakyan na umaandar pa ang makina. Akalain ninyong ang isinagot daw ng taga-RMW ay “Doon ka magreklamo kay Isko.”

Kasunod nito ay inupakan daw ang pulis ng kausap na nakilala lang niya sa pangalan na “Ong,” at pinagtulungan pa ng mga kasama nito. Arogante raw at bayolente pa. Mabuti na lang daw at nakita ng ilang nagdaraang pulis ang naganap. Nang palapit na sila ay tumakas ang RMW crew na naiwan ang motorsiklo ng pulis sa pagmamadali.

Kung ang isang pulis ay nakararanas ng ganitong kabagsikan sa kamay ng mga taga-RMW, mga mare at pare ko, hindi ba nakatatakot isipin kung paano nila kawawain ang mga pangkaraniwang mamamayan na may-ari ng sasakyan na kanilang hinahatak.

Parusahan ang mga damuhong iyan na umaabuso sa kapangyarihan na ang panakot ay pangalan mo, Vice Isko, upang mabura sa isipan ng mga nabiktima na may basbas mo ang pagiging buwaya nila sa pera, at kasama kang nakikinabang sa sandamakmak na pera na nakukuha sa towing. Basang-basa ang pangalan mo nang dahil sa kanila. At kung maaari, huwag nang ibalik kailan man ang towing na nagdulot ng impiyerno sa buhay ng motorista sa lungsod.

Pakinggan!

***

TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.

COMMENTS
READ MORE:  “Pilosopong Sotto” at ang rule of law

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved