Sunday , September 23 2018
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Malungkot at tuliro na ang Reyna ng Illegal Terminal sa Lawton

Malungkot at tuliro na ang Reyna ng Illegal Terminal sa Lawton

00 Kalampag percyNAKAKAAWA naman itong si alyas “Joy To The World” dahil balita nati’y hindi merry ang kanyang Christmas.

Ito’y dahil ipinahuli raw ni ousted president, convicted plunderer at “de facto” mayor Joseph “Erap” Estrada ang mga illegal terminal ng UV Express sa Lawton area, ang ‘gatasang baka’ ni alyas Joy.

Nakarating kasi kay Erap na sa isang opisyal lang ng City Hall nagpaparating si Joy ng ‘grease money’ o tara.

Natural na manggagalaiti nga si Erap, na alam naman natin na hindi magugulangan sa kuwarta at hindi siya papayag na kumikita nang limpak-limpak ang manugang niyang hilaw at si Joy, pero siya ay wala.

Kaya naman ang naisip na pakana ni Joy para makapagsipsip at magpalakas naman kay Erap ay batikusin ng kanyang ghost writer ang mga pangunahing kritiko sa kanyang kolum (sa ibang diyaryo) ng sentensiyadong mandarambong, kabilang ang inyong lingkod.

Layunin ni JOY na magpakita ng “loyalty” kay Erap para payagan na maibalik ang mga hawak niyang illegal terminal sa Lawton.

Tsk tsk tsk… sukdulan na maglubid ng kasinungalingan at kawalanghiyaan ang Reyna ng Illegal Terminal, para lang mapalapit kay Erap.

Kung tutuusin ay hindi na tayo dapat magtaka na ang tulad ni alyas JOY ay nakapag-iisip nang ganito kasama. Hindi ba’t dati na siyang nasangkot sa pagpatay kina SPO4 Ed Benavidez at Francis Orda noong 2001 na iniuugnay sa multi-million-peso racket sa illegal terminal sa Lawton?

Susme, kung matinong tao si alyas JOY, bakit siya masasabit sa illegal na gawain at krimen tulad ng murder?

Alam kaya ni JOY na ang pagbibigay ng pera sa isang opisyal ng gobyerno na nanggaling sa illegal na paraan ay ipinagbabawal ng batas?

Maliban sa panunuhol, puwede rin siyang maging co-accused ng opisyal na sinuhulan niya kapag sinampahan ng kasong plunder, lalo na’t nabusisi ang kanyang ill-gotten wealth?

Maigsi ba talaga ang memorya ni Ligaya at nakalimutan na niya na isa sa mga dahilan kaya nahatulan ng Sandiganbayan si Erap nang habambuhay na pagkabilanggo sa kasong plunder o pandarambong noong 2007 ay dahil sa pagtanggap ng daan-daang milyong pisong protection money mula sa jueteng?

Illegal ang jueteng, gayon din ang terminal ng UV Express ni Ligaya sa Lawton kaya ang sinomang opisyal na tumanggap ng protection money sa operasyon nito ay ipinagbabawal ng batas.

Kapag nagkataon, posibleng maging mag-kosa sina JOY, Isko at Erap?

Teka nga, tugma ba ang lifestyle at yaman ni Ligaya sa isinumite niyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) bilang public official?

Panawagan kay Ambassador Philip Goldberg

BALITA nati’y biyuda ng isang retiradong US serviceman si alyas JOY kaya maaaring tumatanggap siya ng pension mula kay Uncle Sam.

Halimbawang totoo ito, posibleng US citizen si Ligaya, paano siya nag-qualify bilang public offical?

Sakaling itinakwil na niya ang pagiging Amerikano para makatakbong politiko sa Filipinas, hindi kaya binubusisi ng US government kung anong legal source of income ng nilalang na binibigyan nila ng pension?

Obligasyon man ng pamahalaan ng US na bigyan ng pension ang naulila ng kanyang serviceman, pero kailangan din nilang busisiin kung may ill-gotten wealth sa Amerika o kung ang ari-arian sa legal na paraan ipinundar.

Ayon sa US Department of Justice, ang ill-gotten wealth ang “proceeds of corruption from “a process or series of actions through which income of illegal origin is concealed, disguised, or made to appear legitimate (main objective); and to evade detection, seizure and taxation.”

Aba’y kung may mga ari-arian sa US si JOY, malaki ang tsansa na malaking porsiyento ng ipinambili sa mga ito’y galing sa ‘katas’ ng operasyon ng illegal terminal sa Lawton na matagal niyang kontrolado.

Kung si pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles ay inukilkil ang ill-gotten wealth sa US, bakit naman hindi puwedeng gawin ito kay JOY, lalo na’t tumatanggap ng pension na mula sa ibinayad na buwis ng mga Amerikano?

Alam kaya ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg ang illegal activities ni Ligaya na balitang labas-masok sa kanilang bansa?

Posibleng kinakabahan na si JOY dahil kapag nakarating sa kaalaman ni Goldberg ang kanyang mga ilegal na aktibidad ay puwedeng hindi na siya papasukin sa Amerika alinsunod sa Presidential Proclamation No. 7750 na inisyu ni President George W. Bush noong 2004.

Nakasaad sa naturang batas na may kapangyarihan ang Amerika, “To Suspend Entry As Immigrants or Nonimmigrants of Persons Engaged In or Benefiting From Corruption.”

Sabi sa PP7750, puwedeng suspendihin ng US ang pagpasok sa kanilang bansa ng “certain persons who have committed, participated in, or are beneficiaries of corruption in the performance of public functions where that corruption has serious adverse effects on international activity” subject to an exception where denying such entry would be “contrary to the interests” of the U.S.

Kaya namayagpag nang matagal ang illegal terminal sa Lawton ay dahil sa proteksyon ni JOY, puwes, malinaw na ito’y isang uri ng corruption.

Dahil ang Filipinas ay isa sa mga bansang signatory sa ilang international cooperation agreements against corruption (ICAACs) tulad ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC), ibig sabihin bahagi ito ng mga batas na ipinatutupad dito at sa Amerika.

Kung kursunada ni Goldberg, at nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales, BIR Commissioner Kim Henares at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na “mabalatan” si JOY, handa pong makipagtulungan ang inyong abang lingkod na isang law-abiding citizen.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

COMMENTS

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved