INGGIT at selos ang nakikitang dahilan ng mga imbestigador kaugnay sa pagbaril sa isang tricycle driver ng pinsan ng barangay chairman habang natutulog kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Gener Hermosa, nakatira sa 1342 Nicolas St., Tondo, Maynila, binawian ng buhay dahil sa tama ng bala sa ulo at dibdib.
Ang biktima ay driver ni Chairman Arnel Dungo ng Brgy. 255, Zone 23, sa Tondo.
Habang arestado ang suspek na si Eduardo Damayo ng Olivarez Compound, Parañaque City, pinsan ni Dungo.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Rommel del Rosario, naganap ang insidente dakong 10:45 a.m. sa loob ng bahay ni Dungo habang natutulog ang biktima.
“Napupuna ko kasi na parang nagseselos at naiinggit ‘yung pinsan ko sa driver ko kasi pag pumapasok sa bahay tuloy-tuloy na lang sa kusina at nagbubungkal ng pagkain,” ayon kay Dungo.
“Yon lang ang alam kong dahilan kung bakit binaril ‘yung driver ko, pinsan ko pa naman ang suspek, kaya lang hindi ko pwedeng konsintihin dahil mali siya,” dagdag ni Dungo.
(LEONARD BASILIO)