IBINALIK na sa kulungan sa Taguig City si Andrea Rosal, anak ng yumaong tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines na si Gregorio “Ka Roger” Rosal, makaraan ang dalawang linggong pananatili sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa panganganak.
Dakong 7:20 p.m. kamakalawa nang ibalik si Rosal sa kanyang kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Si Rosal ay ineskortan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Matatandaan, pinayagan ng Taguig City Regional Trial Court na manganak si Rosal sa PGH noong Mayo 17 ngunit sa kasamaang palad ay namatay ang sanggol.
Si Rosal ay inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng militar sa Caloocan City noong Marso sa bisa ng arrest warrant kaugnay ng kasong murder na inihain sa Mauban, Quezon, Regional Trial Court Branch 64.
Bukod kay Rosal, nadakip din ang kanyang bodyguard na si Rafael “Jomel” de Guzman at si Barangay Chairman Ruben Gatchalian.
Si De Guzman ay may kasong kidnapping with murder sa Mauban, Quezon habang nahaharap sa kasong obstruction of justice si Gatchalian dahil sa sinasabing sa pagtatago kina Andrea at De Guzman.
(JAJA GARCIA)