ni Ed de Leon
MUKHANG naging okey nga ang diskarteng paglalagay ng isang serye na medyo sexy sa hapon. Sinasabi nila, okey naman daw ang kinalabasan ng spot survey habang inilalabas ang bagong seryeng Moon of Desire. Happy naman sila sa naging resulta niyon.
Kahit na may mga nagsasabing baka later on ay mabigyan iyon ng mas mabigat na classification, nakahanda naman daw sila sa ganoon.
Naniniwala silang may sapat na puwersa ang adult market kahit na sa hapon. Isa pa, kahit na sabihin mong sexy ang kanilang kuwento, wala naman daw silang ipakikitang wala sa ayos, o labag sa kagandahang asal sa kanilang show. Sabi nga nila, iyongABS-CBN mismo ay may sariling ombudsman na siyang pipigil sa kanila kung inaakala ng mga iyon na medyo lumalampas na sa limits ang kanilang ginagawang mga programa. May self censorship silang ipinatutupad sa lahat ng mga show ng ABS-CBN.
Kaya nga sinasabi nila, maaaring nagkakaroon din sila ng problema sa ibang mga show, lalo na iyong live, pero never silang nagkaroon ng problema sa kanilang mga taped programs, dahil so far wala naman silang ginagawang lumampas sa limits ng maaaring ipakita sa telebisyon.
Iyon naman ang maganda sa kanila eh, responsable sila sa kanilang mga ginagawa. Hindi kagaya ng iba na sinasabi na ngang mali ang ginagawa, lumalaban pa. Sa ABS-CBN lagi namang may self censorship sa simula pa lang, katunayan iyon ng kanilang pagiging responsable.
Hindi naman kasi mahalaga iyong gawin mo kahit na ano para lamang makalamang ka sa ratings. Minsan magkakaroon ka nga ng ratings pero marami naman ang hindi nakagugusto sa ginagawa mo dahil para sa iba, masamang panoorin na iyon. At least sila nangunguna sa ratings ng hindi naman kinakalimutan ang kanilang responsibilidad.