WALA nang buhay nang matagpuan ang 59-anyos empleyada ng Department of Public Works Highways (DPWH) makaraan sakalin ng hindi nakikilalang suspek sa loob ng kanyang bahay sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Remedios Lardaus, clerk ng DPWH, at residente ng #1943-C, Road 2, Sta. Mesa.
Habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng ng suspek.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Charles Duran ng Manila Police District Homicide Section, dakong 3 a.m. nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay.
Nabatid sa pamangkin ng biktima na si Pamela May Belleza, 18, umuukupa sa ikalawang palapag ng bahay ni Lardaus, palagi niyang nakikita kapag natutulog ang tiyahin dahil palaging nakabukas ang terrace.
Ngunit dakong 3 a.m. kahapon, nang magising siya upang pumasok ay hindi niya nakita ang tiyahin kaya tinawag niya.
Gayunman ay hindi sumagot ang tiyahin kaya tinungo niya sa kwarto at nakitang wala nang buhay na nakahandusay sa sahig ang biktima. (L. BASILIO)