Friday , September 21 2018
Breaking News
You are here: Home / News / Negosyante patay sa akyat-bahay

Negosyante patay sa akyat-bahay

DAGUPAN CITY – Wala nang buhay nang madiskobre sa loob ng kanyang tahanan ang 69-anyos negosyante na pinatay ng hinihinalang miyembro ng “Akyat Bahay bang” sa Brgy. Bonuan Gueset ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Batay sa ipinalabas na report ni Supt. Christopher Agbrahanom, hepe ng Dagupan City, kay Pangasinan police director, Senior Supt. Marlou C. Chan, kinilala ang biktimang si Emy Prado, pensioner na nagpapautang ng 5-6 sa kanilang barangay.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas 10 p.m. nitong Sabado nang magtaka ang pamangkin ng biktima na noon ay nagsasampay nang makitang nakabukas ang gate ng bahay ni Prado na dapat ay nakasara.

Nang suriin ang loob ay tumambad sa kanya ang mga bakas ng paa na may dugo at natagpuan ang biktima na may malaking sugat sa ulo at dalawang saksak sa likod sa loob ng kanyang kwarto.

May palagay ang pulisya na pinasok ng hindi nakikilalang suspek ang bahay ng biktima sa pamamagitan ng pwersahang pagsira sa padlock.

Bukod sa mahahalagang bagay, cash at alahas ng biktima ay nawawala rin ang notebook na listahan ng kanyang mga pautang.

(JAIME AQUINO)

COMMENTS

About hataw tabloid

Scroll To Top
 

Copyright hatawtabloid.com | All Rights Reserved