Saturday , 19 April 2014
Breaking News
You are here: Home » Opinion » Barangay election wala nang atrasan

Barangay election wala nang atrasan

00 Bulabugin

KAHIT ano mangyari, TULOY na TULOY na ang barangay election sa Oktubre.

Mukhang may ‘HANGOVER’ pa sa mid-term elections si Comelec chairman sixtong ‘este’ Sixto Brillantes, Jr., kaya ‘ayaw’ pa niyang mag-BARANGAY ELECTION.

Kaya lang ‘NABUTATA’ na naman si Sixtong.

This time, si Presidente na ang ‘BUMUTATA’ sa kanya.

‘E bakit nga ba, bigla na lang siyang magsasalita na iaatras niya ang barangay election?

Feeling PRESIDENTE na rin ba siya?!

O baka naman kasi hindi kikita ang 3 million division ng Kumolek ‘este’ Comelec?

Ang AKALA yata ni Sixtong, hanggang ngayon ‘e KLIYENTE pa rin niya si NOYNOY at siya ang abogadong laging nasusunod …

‘E itinakda nga ng ‘BATAS’ ‘yang barangay election na ‘yan ‘no?! Tapos bigla mo lang babalewalain?!

Oy Chairman Sixtong! MATUTO ka naman sumunod sa proseso.

Masyado mo nang ‘binabastos’ ang mga PROSESO. NASANAY ka na mula pa noong ACCREDITATION ng mga PARTY-LIST.

Ni hindi pa nga PORMAL na PONENTE ang mga kaisahan ninyo sa En Banc ‘e idinadaldal mo na agad sa MEDIA.

Buti na lang laging maagap ang mga petitioner at SUPREME COURT. Nariyan sila para ipagsanggalang ang mga umiiral na batas sa ating lipunan.

Ang hilig mong magpa-importante sa mga inilalabas mong statement. Ano ang gusto mo makiusap pa si PNoy sa ‘yo para ituloy ang barangay election!?

MALINAW ang sinabi ni PRESIDENTE BENIGNO ‘NOYNOY’ AQUINO III …

Tuloy ang BARANGAY ELECTION sa Oktubre.

Doon sa mga politikong NANALO, maghanda na kayo at tiyak malaking gastusan na naman ‘yan sa Oktubre!

QCPD STATION 10 COMMANDER SUPT. MARCELINO PEDROZO, JR., NANGUNA SA BRIGADA ESKWELA

PINUPURI natin ang pangunguna ni Quezon City Police District  Station 10 commander, Supt. Marcelino Pedrozo, Jr., sa Brigada Eskwela sa mga paaralan sa Quezon City na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.

Nag-REPAIR sila ng mga sirang upuan, naglinis ng kapaligiran at mga classroom at nagpintura.

Isang magandang halimbawa ‘yan para sa mga kabataan. At isang paraan din para lalo pang gumanda ang IMAHE ng PULISYA sa mamamayan.

Sana lang ‘e ganyan din ang gawin ng iba pang kagawad ng PULISYA sa bansa lalo na rito sa Metro Manila.

Imbes magpaBRUSKO-BRUSKO at mangotong ‘e lumahok sa COMMUNITY WORK lalo na sa mga paaralan na ang makikinabang ay ang ating mga KABATAAN.

Keep up the good work, KERNEL PEDROZO Sir!

FINANCIAL REPORT SA BIR AT COMELEC DAPAT NANG ILAHAD NG MGA KANDIDATO, PANALO O TALUNAN MAN

NATUTUWA tayo sa paghihigpit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Comelec kaugnay ng pagsusumite ng FINANCIAL  REPORT/STATEMENT ng mga kumandidato, panalo o talunan man.

Dapat talagang iulat sa SAMBAYANAN kung saan sila kumuha ng ipinanggastos nila sa kampanya.

Sana lang ay magdeklara sila nang TAMA. Sana nga …

Ideklara kaya nila kung sino ang mga NAG-AMBAG sa kanilang kandidatura?! Sana lang …

Marami kasi d’yan, noong matunugan na TAGILID ang laban nila ‘e hindi ‘TUMOSGAS’ …

Hehehehe …ang tawag sa kanila, mga SEGURISTA!

‘Yung kakilala kaya natin na TUMOSGAS nang halos isang bilyon sa isang siyudad sa Metro Manila, IDEKLARA kaya niya kung sino-sino ang mga NAG-AMBAG sa kanyang campaign fund?!

‘E balita nga natin, MALUNGKOT ‘yang politiko na ‘yan kahit nanalo siya sa inambisyong posisyon.

‘E kasi ba naman kulang ISANG BILYON ang ginastos niya pero hindi ‘LANDSLIDE’ ang panalo niya.

Marginal na marginal ang lamang kahit naghakot at nag-vote buying pa …

‘Yan ang tunay na masaklap.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.898.999.1 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

Scroll To Top