Wednesday , 23 April 2014
Breaking News
You are here: Home » News » Diskwalipikasyon kay Jonvic ikinasa (Vote-buying pagyurak sa Caviteños)

Diskwalipikasyon kay Jonvic ikinasa (Vote-buying pagyurak sa Caviteños)

050613_FRONT

TIYAK ang diskwalipikasyon sa pagka-gobernador ng reeleksiyonistang si Jonvic Remulla sa sandaling mapatunayan ang dikit-dikit na reklamo laban sa umano’y talamak, lantaran at nakapanliliit na pamimili ng boto sa lalawigan ng Cavite.

Sa pahayag kahapon ng secretary general ng Caviteños for Peace, Environment and Economic Development (CPEED) na si Alfredo Bayugo, sinabi niyang didiinan ng kanilang reklamo ang agarang diskwalipikasyon ni Remulla na siya umanong pasimuno sa massive vote-buying na ang sentro ng bilihan ay sa Island Cove resort sa bayan ng Kawit, na pinagdaragsaan ng mga bus na puno ng mga hinakot na botante.

Ang CPEED ay nauna nang naghain ng sumbong sa Commission on Audit hinggil sa walang humpay na pamimigay ng grupo ni Remulla sa kanilang political sorties ng cash gifts at sako-sakong bigas na gamit pa ay gift certificate na mayroong larawan ni Jonvic at nakasaad na galing ang biyaya sa Kapitolyo.

Ang reklamo ng CPEED ay agad naman ipinasa ng COA sa Comelec head office sa Intramuros, Manila para sa agarang aksiyon, na tinugon naman noong Abril 9, 2013 ng Comelec officer na si Atty. Emilio L. Maranon na “kumikilos na ang law department ng aming tanggapan upang imbestigahan ang reklamonng pamamahagi ng bigas at cash gifts ni Cavite Gov. Jonvic Remulla.”

Naunang naghain ng pormal na sumbong sa piskalya ang isa pang non-partisan advocacy group sa lalawigan nakaraang linggo sa parehong reklamo pero magkakaibang petsa at pamamaraan ng talamak at lantarang pamimili ng boto sa mahihirap na komunidad ng Cavite.

Sa pamamagitan ng tatlong miyembro na sina James Warren O. Florendo, 24, anyos; Cristina A. Cabrera, 25 anyos: at Teresita A. Moreno, 54 anyos, inihabla ng Alyansa ng mga Botanteng Kabitenyo laban sa Dayaan 2013 (ABKD 2013) si Remula at 13 pang kasamahan na tumatakbo sa ibat’ ibang lokal na posisyon ng paglabag sa Section 261 (a) ng Omnibus Election Code, o ‘yong anti-vote buying provision na may kaparusahang hanggang anim na taon pagkabilanggo at diskwalipikasyon para humawak ng poder sa gobyerno sa sandaling maging final ang kanilang conviction.

Ayon sa mga nagreklamong miyembro ng ABKD 2013, organisado umanong isinagawa ng grupo ni Remulla ang pamimili ng boto noong Abril 6, 2013 sa gymnasium ng University of Perpetual Help sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite na mahigit umanong 1,000 tao ang hinakot sa ibat’ ibang barangay ng nasabing bayan.

“Mismong si Jonvic Remulla ang nanguna sa seremonyas na kami ay tinuruang mag-shade sa balota para sa mga kandidato ng Super Team at pagkatapos ay pinapila kami sa likod ng stage at inabutan ng sobreng naglalaman ng P200 at inuming fruit juice at cupcake,” pahayag ng tatlong miyembro ng ABKD 2013.

Kanilang idinagdag sa kanilang sinumpaang salaysay ang pangako pa umano ni Jonvic  Remulla na “magkakaroon pa ng apat na bigayan hanggang eleksiyon basta’t straight voting lang.”

Nanawagan naman ang CPEED at ABKD 2013 sa mga Kabitenyo na ‘wag magpadala sa panunukso ng grupo ng sino mang kandidato na nais suklian ng pera ang kanilang karapatang pumili ng matino at mahusay na kandidato “sapagkat katumbas ito ng pagbebenta ng dangal,”

“Pero kung kayo’y nagigipit at mayroong mag-abot ng anomang bagay kapalit ng inyong boto, puwede ninyong tanggapin ang pera pero iboto pa rin ang kandidatong isinisigaw ng inyong konsensiya,” pagtatapos na pahayag ng dalawang grupo.

HATAW News Team

Scroll To Top