Wednesday , 16 April 2014
Breaking News
You are here: Home » News » ‘Tao’ ni Oca nanuntok ng Akbayan volunteer

‘Tao’ ni Oca nanuntok ng Akbayan volunteer

KAAWA-AWA ang sinapit ng isang volunteer ng party-list na Akbayan matapos suntukin ng tauhan ni Caloocan City 1st District Congressman Oscar “Oca” Malapitan nang sitahin ng una ang pagbabaklas ng mga tauhan ng kongresista ng kanilang poster sa naturang lungsod kamakalawa ng umaga.

Ang biktima, na agad na nagpa-blotter at nagpaplanong magsampa ng reklamo laban sa kampo ni Malapitan ay kinilalang si Ryan Cinco, 23-anyos, volunteer ng Akbayan party-list at residente ng Phase 6, Camarin.

Nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan sa suspek na sinasabing tauhan ni Malapitan na ayon pa sa biktima ay makikilala niya sakaling muling makita.

Base sa salaysay ng biktima sa mga awtoridad, sa pagitan ng 10:30 hanggang alas 11:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Kalamansian St., Barangay 177.

Ayon sa biktima, kasalukuyan silang nagkakabit ng poster ng kanilang sinusuportahang party-list na Akbayan kasama ng kanyang ina na si Esterlita Cinco, 48, at kasamahang si Razy Labayno, 18, nang mapansin nila na binabaklas ng mga tauhan ni Malapitan ang kanilang idinikit na campaign paraphernalia.

Dahil dito, sinita ng biktima ang ginawa ng suspek ngunit imbes manghingi ng paumanhin ay nagalit pa sa binata hanggang bigla na lamang umigkas ang kamao ng tauhan ni Malapitan at tinamaan sa mukha si Cinco.

Sinubukan ng biktima na ipagtanggol ang kanyang sarili ngunit naglapitan ang iba pang kasamahan ng suspek kaya’t nagpasya ang binata na lumayo na lamang upang makaiwas sa mas matindi pang sasapitin nito.

Matapos ito, nagpasya ang biktima at ang kanyang mga kasama na magtungo sa kanilang tanggapan upang ipaalam ang pangyayari hanggang ipa-blotter sa pulisya ang pangyayari.

Ayon naman kay Juliet Gipalen, Division Chair ng Akbayan sa District 1 ng Caloocan City, ang pagiging marahas ng mga tauhan ni Malapitan ay pagpapakita ng kayabangan bagaman hindi pa naluluklok sa tungkulin.

Kinokondena rin ng grupong Akbayan ang ginawa ng mga tauhan ni Malapitan na ayon sa kanila ay isang paraan ng maruming pangangampanya at natatakot sa posibleng gawin ng mga tauhan ng kongresista sakaling maupong alkalde ng lungsod.

“Nakatatakot isipin na sakaling magtagumpay sila (Malapitan) sa eleksiyon ay mas marahas pa ang kanilang gagawin laban sa mga katulad naming simpleng mamamayan, malamang na mas higit pa ang kanilang ipakikita kapag sila na ang nasa posisyon,” ani Cinco.        (HATAW News Team)

Scroll To Top