Friday , 25 April 2014
Breaking News
You are here: Home » Breaking News » Remulla kaladkad si Failon (Sa maruming politika sa Cavite)

Remulla kaladkad si Failon (Sa maruming politika sa Cavite)

021813_FRONT
GALIT man si Liberal Party gubernatorial bet Ireneo “Ayong” Maliksi sa kampo ng Remulla dahil sa patuloy na pagkaladkad sa Failon Ngayon show ng ABS-CBN sa maruming taktika ng politika ay nagawa pa rin niyang magpakahinahon at ituro sa katunggaling si Jonvic ang “parehas at daang matuwid” upang makuha ang tiwala ng mga Kabitenyo.

Kahapon ay hindi kinastigo kundi sinermonan ni Maliksi si Remulla sa garapalan umano nitong paglalako ng mga kasinungalingan sa pamamagitan ng “kinalikot” na version ng Failon Ngayon video upang siya’y siraan sa kanyang mga kalalawigan.

“Hindi lang panlalamang kundi pandarayang matatawag ang pagkalikot sa lumang episode ng isang TV show at ipalabas ang edited version ng video nito sa aming mga kalalawigan bilang bahagi ng kanilang black propaganda upang makasungkit ng boto sa mga Kabitenyo,” pahayag ng nagtitimping si Maliksi.

Ang tinutukoy ni Maliksi ay ang inirereklamo ng kanyang kampo na paglalako ng kampo ni Remulla sa kanilang mga talakayan sa iba’t ibang barangay ng ‘kinalikot’ na video ng Failon Ngayon program na ipinalabas ng Channel 2 noong Setyembre 29, 2012.

Sa nasabing screen show ng tinawag ni Maliksi na “spliced and edited version” ng nasabing programa ni Failon ay pawang mga bintang lamang ni Remulla laban sa kanya ang nakikita at naririnig ng mga manonood sapagkat malisyoso umanong binura ang kompleto at malinaw na sagot at paliwanag ng mga taong inakusahan.

“Ganun na ba kadesperado ang kampo ni Jonvic para kaladkarin sa maruming pamomolitika ang programa ni Ted Failon?” Tanong ni Maliksi, sabay ng kanyang panawagan sa mga may-ari ng ABS-CBN na aksyonan na ang umano’y patuloy na  paggamit sa programa ng pinagkakapitagang TV channel sa maruming politika sa Cavite.

Ang inirereklamong pagkaladkad sa nasabing TV program sa maruming taktika ng pamo-molitika sa Cavite ay nakarating na rin umano sa kaalaman ni Failon na direktang nanawagan sa kampo ng Remulla na itigil ang paglalako ng “kinalikot” na Failon Ngayon video.

“Pero sa kabila ng panawagan ni Ted Failon na ‘wag gamitin sa black propaganda ang  video ng kanyang programa ay tila manhid at nagbibingi-bingihan lamang ang kampo ni Remulla,” dagdag na pahayag ni Maliksi.

Nauna rito ay sumulat na rin si Maliksi sa supervising producer ng Failon Ngayon program na si Dondi Ocampo upang maituwid ang “malisyosong paggamit ng edited version ng video ng nasabing TV program bilang black propaganda material ng kampo ni Remula.”

Sa kanyang sulat, na tinanggap ng opisina ni Ocampo noong Enero 23, 2013, ay inilakip ni Maliksi ang sinumpaang salaysay ng isang residente ng Gen. Trias na nagpapatunay na noong Enero 15, 2013, bandang alas 7 ng gabi, ay napanood niya sa screen show ang talakayan ni Gov. Remulla sa kanilang lugar ang umano’y “kinalikot” na version ng Failon Ngayon video.

“Bagama’t patas at balansiyado ang pagbabalita ni Failon ay nagmukha tuloy itong biased kontra kay Maliksi dahil ‘yong panig lang ng nagbibintang na si Remulla ang ipinakikita,” pahayag ng nasabing testigo, na nagsabi pa sa kanyang affidavit na napanood niya ang buong istorya ng Failon Ngayon noong Setyembre 29, 2012 na kompleto at malinaw umano ang paliwanag ng mga inakusahan sa LRTA relocation project.

HATAW News Team

Scroll To Top