Sunday , 26 May 2013
Breaking News
You are here: Home » Opinion » Tamang paalala

Tamang paalala

00 ISYUNG BAYAN copyTAMA ang paala-ala kamakailan ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police na si Director Heneral Alan Purisima sa mga pulis na huwag sumunod sa mga illegal na kautusan ng kanilang mga hepe at tiyakin lagi ang katapatan sa kanilang mga pahayag sa bayan.

Ipinaliwanag niya na hindi sapat na katwiran ang pagsunod sa isang illegal na kautusan para makalusot sa mga asunto. Idinagdag pa niya na dapat ay alam ng mga pulis kung ano ang legal at illegal sa mga kautusang ibinababa sa kanila ng kanilang mga opisyal.

Ginawa ni Purisima ang pahayag matapos sampahan ng kasong administratibo nitong nagdaang Huwebes ang 13 non-commissioned officers ng PNP o yung mga may ranggong SPO4 pababa kaugnay ng patayang naganap sa Atimon, Quezon nuong ika-6 ng buwang ito.

Sinabi ni Purisima na may simpatya siya sa mga nakasuhan dahil alam niyang sumunod lamang ang mga ito sa kautusan ng mga nakatataas sa kanila subalit hindi ito sapat na dahilan para mawalan sila ng pananagutan kaugnay ng madugong insidenteng naganap. Ipinapalagay ng marami na isang pananambang at hindi aktual na barilan sa isang checkpoint ang kakilakilabot na pangyayaring iyon sa Atimonan kung saan 13 tao ang nasawi na pawang diumano ay kasapi ng isang sindikato ng mga bayarang mamamatay tao.

“Dapat maging aral ang nangyari sa Atimonan sa iba pang kasapi ng PNP na ang dapat na sunding kautusan ay iyong legal lamang,” diin ni Purisima.

Sabi pa niya kung ibig raw gumaan ng mga NCO ang kanilang kaso ay dapat silang magsabi ng totoo.

Mabuti naman at ipina-alaala ni Purisima sa mga pulis na kanyang pinamumunuan kung kailan dapat sumunod o sumuway sa isang kautusan. Ito ay dapat nuon pa ibinabaon sa isip ng mga pulis at militar at ng hindi na sana lumala ang pang-aabuso sa kapangyarihan ngilan na nasa PNP.

* * *

Ang nangyaring mapangahas na nakawan sa loob ng SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong nuong isang araw ay patunay na walang silbi ang ginagawang pang-aabala ng mga sekyu sa mga pumapasok sa mall.

Paanong naipasok ang baril sa loob ng mall na ginamit ng mga magnanakaw sa panloloob kung mahigpit ang pagsisyasat sa mga pintuan ng mall? Puro drawing lang kasi ang mga ito.

Ang mahigpit na pag-mamanman sa mga taong na sa loob ng mall ang solusyon hindi ang pekeng inspeksyon. May nakapagsabi sa inyong lingkod na baka naman daw may kasabwat ang mga magnanakaw na sekyu kaya nailusot sa “mall entrance checkpoint” ang kanilang mga gamit na baril.

Dahil sa pangyayaring ito ay paanong masasabi ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na handa na ang bansa na tumanggap ng mga mamumuhunan kung ang isang mataong lugar na puno ng sekyu ay napagnanakawan ng apat na taong pangahas? Pati mga mall ay nakakatakot ng pasyalan ngayon.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

About hatawtabloid

Scroll To Top