INUTUSAN na ng Ombudsman na magpaliwanag si Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro at ang 34 iba pang opisyal hinggil sa pagkakasangkot nila sa multi-million peso “ghost purchases” at pitong ghost projects sa lungsod mula taon 2007, 2008, 2011 at 2012.
Sa ipinalabas na utos ni Assistant Ombudsman Marilou Ancheta-Mejica nitong nakaraang Disyembre na tinanggap ng City Hall officials nitong nakaraang linggo, pinagpapaliwanag si Mayor Aldrin San Pedro, Vice Mayor Artemio Simundac at pinaghahain ng kanilang counter-affidavits sa loob ng 10 araw.
Kasama rin sa pinagpapaliwanag ang 13 dati at kasalukuyang konsehal, 20 city officials, members ng city bids and awards committee and technical working group at ang may-ari ng mga pribadong kompanya na nanalo sa bidding ng tinutukoy na ghost purchases and seven ghost projects.
Nagugulat talaga tayo sa mga public administrator na napaka-EKSPERTO sa paggawa ng mga ghost projects, ghost purchases at ghost employees.
Ganyan ba ang itinuturo sa inyo sa PUBLIC ADMINISTRATION?
Tsk tsk tsk …
Ngayong election period na, malalagay na naman sa dilemma ang mga constituents. Mag-iisip na naman sila kung sino ang iboboto nila. Kung sino ang pagkakatiwalaan nila ng kanilang kaisa-isa at sagradong boto … pero kapag nakaupo na sa pwesto, hindi lang pagbabalewala sa kanilang constituents kundi tahasang panlalamang at panloloko sa pamamagitan ng pagwawaldas sa pera ng bayan …
Klasik na klasik na eksampol sa ganitong sitwasyon ang kasabihang: “’Wag kayong mag-aalala, hindi kayo mawawalan (dahil ‘ala na talaga) pero (lalong) hindi kayo magkakaroon.”
Pabirong sinasambit ‘yan pero sa totoo lang, totoong-totoo na nararanasan ‘yan ng mga constituent …
‘Yung tipong … “Joke only, but not really … “
He he he …
Drug buster na rin
BIGGEST DRUG HAUL NAIREKORD NG BoC NITONG 2012
BASTA determindao sa trabaho, t’yak ‘yun SWAK lahat!
Mantakin ninyo, ang target ng Bureau of Customs (BoC) ay wasakin ang sindikato ng mga smuggler na ginagamit ang ating mga pangunahing port at airport sa bansa para ipasok ang kanilang mg PALUSOT na kargamento.
Pero dahil sa kanilang determinasyon sa kanilang niyakap na trabaho, hindi lang sindikato ng smuggler ang tinatamaan nila kundi maging international drug ring ay nabibigwasan nila!
Gaya na lang nitong nakaraang taon ng 2012, nairekord ng BoC na nakasamsam sila ng 53.48 kilograms ng Methamphetamine Hydrochloride (shabu); 8.737 kilograms ng high-grade cocaine; 33.9 kilograms ng Marijuana; 19 tables ng Methylenedioxy Methamphetamine (MDMA); 19 piraso ng Alprazolam; at 6 kilograms ng Piperonal.
Lahat ng mga illegal substance na ‘yan ay umaabot sa halagang P465, 897,591.59.
Ang malaking drug haul na ito noong 2012 ay resulta ng pinalakas na monitoring sa BOC-airport arrivals sa kautusan ni Customs commissioner Ruffy Biazon. Mahigpit kasi ang atas ni Biazon na walang sisinuhin sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan.
Oo nga pala, dapat rin natin purihin ang BOC-NAIA sa pamumuno ni district collector Atty. Carlos So at ang kanyang mga tauhan sa accomplishment na ito.
Mantakin ninyo, kahit nag-iba ng estilo ang drug syndicate e, huli pa rin ang kanilang modus.
Dati, ang drug syndicates ay dito mismo sa bansa nagmamanupaktura ng droga kaya luminya na lamang sa importing ng finished products.
E kaso, buking sila agad kaya dinoble ni Biazon ang anti-illegal drugs smuggling campaign ng BoC sa iba’t ibang paliparan at pantalan.
Nalaman ng BoC na gumagamit na lamang ng drug mules ang mga sindikato kasi’y ang kanilang mga laboratory equipment at chemicals na ginagamit sa paggawa ng illegal drugs ay hindi makalusot sa customs ports.
Pero sadyang sablay ang drug syndicates ‘pagkat pati ang kanilang ipinadadalang drug mules ay hindi rin makalusot.
Talagang pinaninindigan lamang ni Biazon na hindi siya makapapayag na gamitin ng drug syndicates ang Filipinas bilang kanilang palengke sa ilegal na gawain.
Patuloy pa rin naman ang BOC sa pakikipagtulungan sa PDEA para lalong hindi makaporma sa ating bansa ang mga demonyong nagkakalat ng droga.
Matatandaang, 17 drug mules na ang nadakip sa airports ng mga alertong Customs officials at sila ay ipinagharap na ng mga kaukulang kaso.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0927.898.999.1 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com
Hataw Tabloid D'yaryo ng bayan


