PAPAYAGAN ng Commission on Elections na ipagpatuloy ni Joseller “Yeng” Guiao ang pagiging coach ng Rain or Shine sa PBA kahit nangangampanya siya bilang kongresista ng unang distrito ng Pampanga sa darating na eleksyon.
Ayon sa komisyuner ng COMELEC na si Rene Sarmiento, hindi sakop ang pagiging coach sa mga trabahong hindi puwedeng gawin ng mga kandidato habang may election period.
“Ang covered lang (ng Fair Elections Act) ay broadcasting, media, columnist, commentator at artista,” wika ni Sarmiento. “Sa ngayon hindi kasama sa prohibition yung coaching kasi hindi naman niya kinakausap o hinaharap directly yung public through media.
“Sa pagkaka-alaala ko, walang kasamang coach o atleta dun (sa prohibition).”
Magsisimula ang election campaign period sa Pebrero 10.
Si dating kongresistang Francis ‘Blueboy’ Nepomuceno ang magiging kalaban ni Guiao sa eleksyon.
Sinabi rin ni Sarmiento na kung gagamitin ni Guiao ang kanyang trabaho bilang coach para mangampanya, siya’y lalabag sa Fair Elections Act.
“Nasa presentasyon yan, kung manalo ang Rain or Shine at na-interview si coach Yeng, tapos bigla niya sinabi na, ‘Iniaalay ko ito sa mga kababayan ko sa first district’ … Ibang usapan na yun,” babala ni Sarmiento.
Natuwa si Guiao sa desisyon ng COMELEC.
“Natutuwa ako at allowed pa rin ako (mag-coach) kasi matagal na rin akong naghihintay ng sagot tungkol dyan,” ani Guiao.
Sang-ayon ang team owner ng Rain or Shine na si Raymond Yu sa pasya ni Guiao.
“Napag-usapan naman namin ni coach na basta walang conflict sa political career niya, he can coach our team. We’re very happy to have him as our coach,” ayon kay Yu.
James Ty III
Hataw Tabloid D'yaryo ng bayan
