SUGATAN ang dalawang hardinero ng University of the Philippines (UP) Campus sa Diliman, Quezon City nang sumabog ang isang pillbox na nakatanim na plant box na kanilang hinuhukay na pagtatayuan ng street lights kahapon ng hapon.
Isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga biktimang sina Faustino Valencia at Leonardo Natividad, sugatan bunsod ng nagtalsikang shrapnel ng umano’y pillbox.
Sa paunang imbestigasyon ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Explosives and Ordnance Division (EOD), kinompirma ni Insp. Noel Sublay na pillbox at hindi vintage bomb gaya ng unang napaulat ang sumabog dahil na rin sa katangian nito na mayroong pulbura.
Dakong 2 p.m. kahapon, hinuhukay ng dalawang trabahador ang isang flower pot sa kanto ng Roxas St. at Fernandez St. gamit ang bareta nang tamaan ang nakatanim na pillbox at aksidenteng sumabog.
Inaalam na ng pulisya kung sino ang nagbaon ng nasabing pillbox.
Almar Danguilan
Hataw Tabloid D'yaryo ng bayan
