NAKOPO ng Smart Gilas Pilipinas ang isang puwesto sa finals ng ika-19 Super Keung Sheung Cup International Invitational Basketball Championship pagkatapos na pabagsakin nito ang Changsha Park Lane, 90-69, sa semifinals kamakalawa ng gabi sa Queen Elizabeth Stadium sa Wanchai, Hong Kong.
Nanguna sa atake ng Gilas si Nino ¡°KG¡± Canaleta na nagtala ng 18 puntos at walong rebounds habang nagdagdag si Marcus Douthit ng 13 puntos at walong rebounds.
Sampung puntos naman ang naitala ni Kevin Alas para sa Gilas na llamado sa finals kontra kahit sino sa Southern California Fukienese Association o ang pambansang koponan ng Hong Kong.
Ginaganap ang finals habang sinusulat ang balitang ito.
Nakakuha ang Gilas ng 26-9 na kalamangan sa pagtatapos ng unang yugto at hindi na nila pinatawad ang Snow Wolves tungo sa impresibong panalo.
James Ty III
Hataw Tabloid D'yaryo ng bayan
